Linggo, Oktubre 2, 2011

Kulafu sa Kawalan (Dahil Hindi Na Niya Alam Kung Saan Siya Lulugar)


Inulan ako pag-uwi kahapon. Masaya ang naging pagtatapos ng linggo pero nakakapagod at ang nais ko na lamang ay makauwi agad at magpahinga, matulog. Kaya kahit patuloy sa pagbigat ang suot na damit sa bawat nasasalong patak ay nagpatuloy ako sa pagtahak ng daan patungo sa amin.

Inabutan ako ni Mommy sa tapat ng bahay, nakayuko sa lakas ng paghampas ng ulan sa aking ulo.

"O, ba't ka nagpaulan?"

Na para bang may iba pa akong pwedeng paglagyan sa pag-uwi mula sa pinanggalingan.

---

Maghapunan. Maligo. Matulog. Iyan ang mga huling alaala ko bago nakatulog sa kama ng mga magulang. Parang ilang oras na ang lumipas ngunit hindi ang sakit ng ulo at bigat ng katawan. At dahil hindi pa naman ako nakakarinig ng tawag na makisalo sa hapag-kainan ay nagpatuloy lang ako sa pagkakaratay. Tutal gigisingin naman ako ni Daddy pag-uwi niya galing trabaho. Pagod din siya panigurado at gugustihin ding magpahinga.

At ako'y nakatulog ulit.

Inabutan ko ang sariling nagising mula pa rin sa kanina pang kinalalagyan. Anong oras na ba? Lumabas ako para magbanyo. Pagdungaw sa sala ay nakita ko na lang si Daddy sa sofa habang si Mommy ay humihimbing sa isang air bed na nakalatag sa sahig. Napaisip tuloy ako kung ano ba hitsura ko pag-uwi para pagbigyan nilang payapang makapahinga sa kama nila habang sila'y nagtitiyaga dun sa sala. Napaisip din ako kung napaparamdam ko pa sa kanilang mahal na mahal ko rin sila.

---

Sabagay, sa tinuluyang bahay pa lang ng kaibigan ay makailang beses na rin akong natanong kung okay lang ba ako. Oo ang lagi kong sagot. Minsan binalikan ko yung tanong, bakit. Mukha raw kasi akong malungkot. Palibhasa hindi naman dinaan sa tanong kaya hindi ko rin kinailangan sumagot ng oo.

Dahil siguro nga. Oo.