Huwebes, Hulyo 26, 2012

WANTED: Soulmate ni Kulasa


Nagbabasa sa internet ng biglang nakalimutan ko ang aking binabasa at biglang napaisip sa lyrics ng kantang ito. 


"Who doesn't long for someone to hold
Who knows how to love you without being toldSomebody tell me why I'm on my ownIf there's a soulmate for everyone"
Arrrruuuuuruuuyyyyyyy.
Ang sarap kantahin ng part na ito with all my feelings. Swak na swak sa kadramahan ng estado ng aking puso. Obviously, wala akong boyfriend sa kasalukuyan. FYI: NBSB ako. No wonder kung bakit F na F ko ang kanta. Ikaw ba naman ang naghihintay for 20++ years eh. Hindi ba at mapapahiyaw at sigaw ka din sa kantang Soulmate ni Natasha Bedingfield. Ang masaklap nga lang, kahit anong ngawa at hiyaw ko eh wala namang sagot sa kadramahan ko kundi ang manalangin at maghintay na parating na siya. 
Kung iisipin, sa tinagal-tagal kong single eh bakit biglang ngayon pa akong naginarte. May sagot ako dyan. Ito ay dahil kelan lang ay inakala kong si Friend A ay na-fafall na sa akin. Paunti-unting naging close kami. Hanggang sa naging super friends na daig pa ang 7/11 sa pagiging 24/7 magkausap mapa-text o chat. Nag-eenjoy ako sa kanyang company at kahit papano ay naramdaman kong unti-unti na akong nagkakagusto sa kanya. May yakap at holding hands etc. na naganap ng mga iilang beses. Sa isip-isip ko nun, "YES! THIS IS IT" ng biglang 
KABOOM!  
Sabi niya crush niya si Girl A. Gusto niyang yayain manood ng sine si Girl A.Gusto niyang pumorma kay Girl A.Gusto niyang ligawan si Girl A.
AMPOOOOOTAAAAAHH
Hindi pala. Trip lang niya mag-hug at humolding hands. 
Parang nalugi ako ng bongga. Buti na lang hindi pa ako sumusugal ng 100% sa aking feelings kung hindi, hindi ko talaga alam kung saan ako pupulutin ngayon. Feeling ko talaga nadaya ako. Daig pa sa biktima ng dagdag bawas. Masakit. Ang pinakamasaklap sa lahat, ni-minsan hindi siya nagka-lakas ng loob na pagusapan lahat ng nangyari. Patay malisya lang si Kuya. Kebs kebs sa akin. 
Kapag minamalas ka nga naman. Kaya talagang hiyaw lang ang magagawa ko. Nagsusumigaw ang puso kong asan ka na??? Naghihintay sa lalakeng hindi ko kelangan hulaan ang nararamdaman sa akin dahil kaya niyang sabihing "Gusto kita" "Mahal kita" "Pwede bang tayo na?" etc.
Kung kaya't sa susunod, hindi ako pwede magpakabulag sa kasabihang 
ACTIONS SPEAK LOUDER THAN WORDS. ULUL!
HINDI RIN. HINDI TALAGA. MAY MGA BAGAY NA KELANGAN SINASABI PARA KLARO. 
KAYA ETO SINASABI KO NA! WANTED: SOULMATE NI KULASA
--Kulasa

Martes, Hulyo 24, 2012

Saloobin ni Kulasa sa mga boyspacefriends.

Mula pa noong aking kabataan, hindi makakailang ako ay "one of the boys". Ako yung tipo ng babae na madaling bumarkada sa mga lalake. Wala akong problema na makasundo ang mga boys mula pa noong elementary. Masaya sila kasama at madaling kausap. Walang arte. Maloko. Nakakatawa.

Kapag dating naman sa pag-ibig nakakatuwa rin namang marinig ang kanilang hinaing. Madalas di ko inaakalang ang mga bruskong tulad nila ay pusong mamon din pala. At dahil madalas awkward sa kanila na mag-open up sa kapwa boys, ang ending ay sa akin nauuwi ang usapang pag-ibig at heartache nila. Ganun ang naging eksena mula elementary, high school hanggang college.

Ngunit kelan lang, bigla akong napaisip. Sa dinami-dami ng naging close kong lalake, bakit kaya halos wala sa kanila ang hanggang ngayon ay close friend ko pa din. (Pasensya na pero hindi counted dito ang aking gay friends). At sa pagninilay-nilay napagtanto ko na karamihan sa kanila ay hindi ko na naging close mula ng sila ay maging in a relationship na. Halos lahat sila ay naging kaibigan ko lamang nung mga panahon na wala silang gf at sawi sa pag-ibig. Walang halong bitterness ito pero more of observation lang naman. Kapag dumating na ang girlfriend sa buhay nila, panigurado echepwera na ang girlspacefriend. Wala ka kasing laban dun eh. Magpaparamdam na lang uli ang boy<space> friend kapag may problema sila ni gf or kung break na sila. Based on experience ko lang naman ito ah. Bawal ang defensive.

At base sa observation na ito, naisip kong hindi na ako pwedeng maging clingy sa boy<space>friends ko. Kelangan kong tanggapin ang katotohanan na dadating ang panahon na makakahanap sila ng girlwithoutspacefriend na bukod sa kaibigan ay ka-ibigan pa. Isa yang realidad na dekada ang aking binilang bago ko lubusang naintindihan. Tunay ngang mahirap ang mag let go pero importante itong matutunan sa buhay. Kahit ganun pa man, hindi ko pinagsisisihan ang panahong naging malapit ako sa boyspacefriends ko dahil kahit papano ay natutunan kong lubos na intindihin ang mga lalakeng tulad nila.

Sa lahat ng boyspacefriends ko, salamat at hanggang sa muli nating pag-uusap! :)

Lunes, Hulyo 23, 2012

Muling pagkabuhay ni Kulasa

Ang panahon ay tila naiwang naka-fast forward. Mahigit isang taon na nung huli akong sumulat dito. Nakakalungkot na paalam at goodbye ang sumalubong sa akin pero hindi ko sila masisisi. Mahigit isang taon akong nawala at naglaho na parang walang iniwang kasunduan. Nabaling ang atensyon sa kung anu-anong bagay na tila nakalimutan kong magbahagi sa inyo.

Isang taon ang lumipas at kasalukuyan kong tinatanong sa aking sarili, ano ang nagbago?

Totoo na sa loob ng isang taon maraming pwedeng magbago.Maraming bagay sa ating buhay ang hindi permanente. Sa loob ng oras, araw, linggo, o buwan eh madami ang nangyayari. Pwedeng mawalan ng trabaho. Magiba ng prioridad sa buhay. Magkaroon ng bagong kaibigan. Ma-in love sa bagong nilalang. Magpalit ng paboritong sapatos. Magkaroon ng bagong cellphone. Magdelete ng facebook account. Gumawa ng bagong facebook account at marami pang iba. Kung iisa-isahin ko lahat ng nagbago sa aking buhay marahil di na ako matatapos. Kung kaya't nais kong isipin na konstant ang pagbabago sa aking buhay kaya't sa kabuuan tila wala naman talagang nagbago.

Ako pa rin si Kulasa na hibang sa pag-ibig. Handang ibahagi ang kaibuturan ng aking damdamin. At sa pagkakataong ito, sana samahan niyo pa din ako sa pagtuklas ng iba't ibang damdamin ng buhay. :)

Muling nagbabalik,

Kulasa

Huwebes, Hunyo 21, 2012

Kaway ng Goodbye ni Kulafu


Gusto ko magsimula uli.

Hindi dahil sa iiwan ko na ang panata nang una akong sumulat para sa blog na ito. Mahirap lang kasi magpatuloy na kumapit sa isang bagay na matagal nang binitawan ng mga nakasundo mong kasama mo sa pagtangan. Parang pag-ibig lang 'yan. O di ba. Ganyan talaga ang buhay, lahat talaga ng bagay mauugnay mo sa pag-ibig. Dahil sabi nga nila, to live is to love. O, ha. Strike two.

Mabalik tayo sa aking sinimulan.

Gusto ko magsimula muli. Maaaring hindi na bilang si Kulafu, ngunit patuloy pa rin bilang ako. Ako na kasama mo sa oras ng saya at sa oras ng kalungkutan, nagpapaalala at nagpapakita ng mga dahilan para manatili kang masaya. Ako na katabi mo matulog nang mahigit 8 oras dahil walang pasok kinabukasan. Ako na ka-duet mo nang maka-100 ka sa karaoke. Ako na kapareho mong bumagsak sa finals. Ako na kasabay mong naghihintay ng masasakyan sa dis-oras ng gabi. Ako na bigla ring dinatnan. Ako na kasunod mo sa pila sa pagtuli. Ako na sabay na nagdudulot ng kirot sa dibdib at di mapantayang saya dahil palihim mong iniibig.

Strike three.

Out na ako. 30 mins. na raw sabi ng kuya sa counter.

Gusto ko magsimula uli, simula ngayon.



PS. Hindi ako nanunumbat. Naiintindihan kong lahat kami ay naging busy matapos namin pag-isipang gawin ang blog na ito. Maging ako man ay kapuna-punang kaunti lang ang mga nasulat dito. Kumag, thanks for sticking it out till the end. Patuloy ka lang sa pagsusulat. Alam ko namang may iba ka ring inaasikaso bukod sa blog na ito. ;)

Martes, Mayo 1, 2012

Tula ni Kumag: Muling Paalam

Masakit sa tenga ang marinig mula sa iyong bibig
Na ako, at ako lamang ang dahilan
Ng mga pangakasalukuyan mong kalungkutan

Tinitigan mo lang ako habang binabagtas ng aking mga luha
Ang mga pisngi kong patuloy na sinasampal ng mga usok
Mula sa mga tambutso ng mga kotseng nagdaraan sa kalagitnaan ng Ayala

Tumayo ka at iniwan ang dalawang daang piso sa mesa
Na tila isa akong laos na haliparot
Na hindi na kayang ibigay ang mga pita ng iyong laman

Tinapik mo ang aking balikat sa huling pagkakataon
At mabilis na tumungo sa piling niya
At ako ay naiwang bumubulong sa aking sarili ng muling pamamaalam