Ipinapakita ang mga post na may etiketa na boyfriend. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na boyfriend. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Hulyo 26, 2012

WANTED: Soulmate ni Kulasa


Nagbabasa sa internet ng biglang nakalimutan ko ang aking binabasa at biglang napaisip sa lyrics ng kantang ito. 


"Who doesn't long for someone to hold
Who knows how to love you without being toldSomebody tell me why I'm on my ownIf there's a soulmate for everyone"
Arrrruuuuuruuuyyyyyyy.
Ang sarap kantahin ng part na ito with all my feelings. Swak na swak sa kadramahan ng estado ng aking puso. Obviously, wala akong boyfriend sa kasalukuyan. FYI: NBSB ako. No wonder kung bakit F na F ko ang kanta. Ikaw ba naman ang naghihintay for 20++ years eh. Hindi ba at mapapahiyaw at sigaw ka din sa kantang Soulmate ni Natasha Bedingfield. Ang masaklap nga lang, kahit anong ngawa at hiyaw ko eh wala namang sagot sa kadramahan ko kundi ang manalangin at maghintay na parating na siya. 
Kung iisipin, sa tinagal-tagal kong single eh bakit biglang ngayon pa akong naginarte. May sagot ako dyan. Ito ay dahil kelan lang ay inakala kong si Friend A ay na-fafall na sa akin. Paunti-unting naging close kami. Hanggang sa naging super friends na daig pa ang 7/11 sa pagiging 24/7 magkausap mapa-text o chat. Nag-eenjoy ako sa kanyang company at kahit papano ay naramdaman kong unti-unti na akong nagkakagusto sa kanya. May yakap at holding hands etc. na naganap ng mga iilang beses. Sa isip-isip ko nun, "YES! THIS IS IT" ng biglang 
KABOOM!  
Sabi niya crush niya si Girl A. Gusto niyang yayain manood ng sine si Girl A.Gusto niyang pumorma kay Girl A.Gusto niyang ligawan si Girl A.
AMPOOOOOTAAAAAHH
Hindi pala. Trip lang niya mag-hug at humolding hands. 
Parang nalugi ako ng bongga. Buti na lang hindi pa ako sumusugal ng 100% sa aking feelings kung hindi, hindi ko talaga alam kung saan ako pupulutin ngayon. Feeling ko talaga nadaya ako. Daig pa sa biktima ng dagdag bawas. Masakit. Ang pinakamasaklap sa lahat, ni-minsan hindi siya nagka-lakas ng loob na pagusapan lahat ng nangyari. Patay malisya lang si Kuya. Kebs kebs sa akin. 
Kapag minamalas ka nga naman. Kaya talagang hiyaw lang ang magagawa ko. Nagsusumigaw ang puso kong asan ka na??? Naghihintay sa lalakeng hindi ko kelangan hulaan ang nararamdaman sa akin dahil kaya niyang sabihing "Gusto kita" "Mahal kita" "Pwede bang tayo na?" etc.
Kung kaya't sa susunod, hindi ako pwede magpakabulag sa kasabihang 
ACTIONS SPEAK LOUDER THAN WORDS. ULUL!
HINDI RIN. HINDI TALAGA. MAY MGA BAGAY NA KELANGAN SINASABI PARA KLARO. 
KAYA ETO SINASABI KO NA! WANTED: SOULMATE NI KULASA
--Kulasa

Martes, Hulyo 24, 2012

Saloobin ni Kulasa sa mga boyspacefriends.

Mula pa noong aking kabataan, hindi makakailang ako ay "one of the boys". Ako yung tipo ng babae na madaling bumarkada sa mga lalake. Wala akong problema na makasundo ang mga boys mula pa noong elementary. Masaya sila kasama at madaling kausap. Walang arte. Maloko. Nakakatawa.

Kapag dating naman sa pag-ibig nakakatuwa rin namang marinig ang kanilang hinaing. Madalas di ko inaakalang ang mga bruskong tulad nila ay pusong mamon din pala. At dahil madalas awkward sa kanila na mag-open up sa kapwa boys, ang ending ay sa akin nauuwi ang usapang pag-ibig at heartache nila. Ganun ang naging eksena mula elementary, high school hanggang college.

Ngunit kelan lang, bigla akong napaisip. Sa dinami-dami ng naging close kong lalake, bakit kaya halos wala sa kanila ang hanggang ngayon ay close friend ko pa din. (Pasensya na pero hindi counted dito ang aking gay friends). At sa pagninilay-nilay napagtanto ko na karamihan sa kanila ay hindi ko na naging close mula ng sila ay maging in a relationship na. Halos lahat sila ay naging kaibigan ko lamang nung mga panahon na wala silang gf at sawi sa pag-ibig. Walang halong bitterness ito pero more of observation lang naman. Kapag dumating na ang girlfriend sa buhay nila, panigurado echepwera na ang girlspacefriend. Wala ka kasing laban dun eh. Magpaparamdam na lang uli ang boy<space> friend kapag may problema sila ni gf or kung break na sila. Based on experience ko lang naman ito ah. Bawal ang defensive.

At base sa observation na ito, naisip kong hindi na ako pwedeng maging clingy sa boy<space>friends ko. Kelangan kong tanggapin ang katotohanan na dadating ang panahon na makakahanap sila ng girlwithoutspacefriend na bukod sa kaibigan ay ka-ibigan pa. Isa yang realidad na dekada ang aking binilang bago ko lubusang naintindihan. Tunay ngang mahirap ang mag let go pero importante itong matutunan sa buhay. Kahit ganun pa man, hindi ko pinagsisisihan ang panahong naging malapit ako sa boyspacefriends ko dahil kahit papano ay natutunan kong lubos na intindihin ang mga lalakeng tulad nila.

Sa lahat ng boyspacefriends ko, salamat at hanggang sa muli nating pag-uusap! :)

Lunes, Mayo 9, 2011

LSS ni Kumag: Born This Way

Habang nakaupo at nag-aayos kuno ng aking mga bitbit na groceries sa loob ng mall, bigla na lang tumugtog ang isang mabagal at tila madramang awitin. Sa aking panandaliang pakikinig, ang tanging naalala ko ay ang mga salitang,

“It’s not over… until you say goodbye.”

Hindi ko alam kung ang mga salitang iyan ay kabilang sa isang pangungusap o sa dalawa o sa tatlo. Hindi ko rin alam kung tama ang pagkakasunud-sunod ng mga salita. Ang tanging alam ko, iyang pitong salitang iyan lamang ang natira sa loob ng espasyo ng ulo ko. At sa isang iglap, bigla na lamang nahalungkat ang mga binaon kong alaala.

Tatlong tao na ang pumiling magpaalam sa akin. Hindi dahil natigok sila (huwag naman sana) ngunit dahil pinili nilang magpakalayo-layo. Dalawa sa kanila ay nakarelasyon ko. Lumisan sila ng hindi ko man lamang alam kung bakit. Kung kaya’t hanggang ngayon, kapag di-sinasadyang naaalala ko, lagi kong iniisip na marahil isa akong walang kwentang boyfriend. Siguro may nakakainis akong pag-uugali. Siguro hindi ko maibigay kaagad kung anuman ang gusto nila. Siguro. Siguro. Ngunit napagtanto kong mabuti na ring hindi ko malaman dahil pagod na akong magbalik-tanaw sa mga nakaraan. Okay na yung mga ganitong araw na paminsan-minsan, mala-Maalaala Mo Kaya ang drama ko. Para maiba naman. Bigla kong naisip ang blog entry ni Kulasa. Sino nga ba sa amin ang mas tanga? Siya na nagmamahal ng isang taong hindi naman sinusuklian ang kanyang pag-ibig? O ako na nagmahal na ng ilang beses ngunit parati nalang palpak? Sa totoo lang, hindi ko tiyak. Basta sa isip ko, dahil ako si Kumag, ako dapat ang mas tanga. Mas tunggak sa mga bagay-bagay. Mas hangal pati na sa aspeto ng pag-ibig. Pero more than that, ayoko lang ding mababa ang tingin ni Kulasa sa kanyang sarili. Napakatalino niyang babae. Kahanga-hanga mag-isip sa lahat ng bagay. Alam kong hindi pa siya tuluyang nag-fu-FULL FORCE sa pag-ibig o sa pakikipagrelasyon. Kung kaya’t sa tingin ko, mas may pag-asa siyang agad makahanap ng para sa kanya. Samantalang ako’y nakakadalawang palya na. Huwag kayong mag-alala. Hindi ako humahagilap ng simpatya. Mas kailangan yun ng mga namatayan. Ibigay niyo na lang yun sa kanila. Ang sa akin lang, sapat na ang magkaroon ng isang tanga sa grupo namin. At hindi si Kulasa iyon.

Ako ang taong pahahalagahan ko kung anuman ang pinagsamahan natin. Lagi kang mananatiling parte ng aking mundo. Ngunit kung pinili mong tuluyan nang iwanan ako...

“Don’t hide yourself in regret / Just love yourself and you’re set / I’m on the right track, baby / I was born this way.”

Sa isang kisapmata, agarang nalusaw lahat ng mga iniisip ko. Matagal na palang nagpalit ng track na pinapatugtog sa loob ng mall. Napaisip ulit ako. Kahit pala may pagka-gaga o pagka-tukmol yang si Lady Gaga o di kaya may pagkasapi ng anumang masamang espiritu ayon sa maraming Kristyano, paminsan-minsan may silbi din siya sa lipunan.