Sabado, Marso 19, 2011

Panimula ni Kumag: Ang Blog na Babago at Gagabay sa Takbo ng Buhay Ninyo

Every once in a while may mga nadadaanan kayong blog sa internet na naglalaman ng ilang mga entries na pagkaraang mabasa ninyo’y biglaang iniiba ang mga dati ninyong pinanghahawakang pananaw. May mga blog na naglalathala ng ilang mga sulating nakakapagbigay inspirasyon upang kayo na dati’y lugmok sa kung anumang negatibong emosyon ay matapang na haharapin ang mga hamong itinakda ng kinabukasan. Ngunit subalit datapwat may natatanging blog na pagkatapos ninyong maisaisip at maisapuso ang lahat-lahat ng entries ay ituturing ninyo bilang ANG BLOG NA BABAGO AT GAGABAY SA TAKBO NG BUHAY NINYO. Mga kuya at mga ate: Huwag kayong mga ambisyoso’t ambisyosa.  Huwag kayong assuming. Huwag kayong feeling. Huwag kayong praning. Hindi ito ang blog na iyon.

Hindi kami fairy godmothers at fairy godfathers (Oo. Huwag na kayong umangal! Merong kwento na may ganitong tauhan! Pustahan pa tayo!) na sa isang kumpas lang ng mahiwagang wand ay magagawa naming gawing kotse ang kalabasa na nasa refrigerator ninyo. I-abrao niyo na lang yun o kaya gawing okoy, baka mabusog pa kayo at luminaw ang inyong mga mata. Mas lalong hindi kami mga diyos. Kaya huwag kayong umasa na mapapagwapo o mapapaganda namin kayo, matatanggal namin ang inyong nangangamatis na mga tagyawat o nangangahinog na mga pigsa o nananakit na mga laso, magagayuma namin ang tipo niyong lalaki o babae, madadagdagan namin ang pera ninyo sa bangko, mapapahirapan namin ang mga kaaway ninyo, maibibigay naming ang answer key sa nalalapit ninyong exam, o mapapakidnap namin ang palautos ninyong boss. Pasensya na. Mga dudes at dudettes: get real naman. Tao lang din kami.

Ang blog na ito ay ang pinagtagpi-tagping kwento, katanungan, kamalian, katatawanan, ka-ek-ek-an, ka-echos-an, at ano pa mang mga kalokohan ng mga taong sa loob ng isang maikling panahon ay pinagtagpo at pinagyabong ang samahan sa tulong ng mga social networking sites. Iba’t-iba man ang pinagmulan, iba’t-iba man ang kaugalian at pinaniniwalaan, at iba’t-iba man ang mga karanasan; kami ay pinagbuklod ng pagnanais na makapagbahagi ng aming mga saloobin. Charing Pempengco! Saan ko naman kaya napulot ang mga katagang iyon?

At dahil wala nang pumapasok sa utak ko dahil dis-oras na ng gabi o dahil wala naman talaga akong utak, hindi ko na hahabaan pa ang panimulang ito. Kung kaya’t sa ngalan ng iba kong mga kapanalig ay binabati ko kayo sa pagpasok ninyo sa maliit na uwang na ito ng cyberspace (bagamat siguro ay nagkamali lang talaga kayo ng pagpindot ng link papunta sa pahinang ito).

Ako nga pala si KUMAG at ito ang aming pinagsama-sama naming mga...  KABULASTUGAN.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Lakipan ng dalawang (2) pakete ng Maggi Me! instant ispageti of any variant at limangdaang piso bago ipadala.