Huwebes, Hunyo 21, 2012

Kaway ng Goodbye ni Kulafu


Gusto ko magsimula uli.

Hindi dahil sa iiwan ko na ang panata nang una akong sumulat para sa blog na ito. Mahirap lang kasi magpatuloy na kumapit sa isang bagay na matagal nang binitawan ng mga nakasundo mong kasama mo sa pagtangan. Parang pag-ibig lang 'yan. O di ba. Ganyan talaga ang buhay, lahat talaga ng bagay mauugnay mo sa pag-ibig. Dahil sabi nga nila, to live is to love. O, ha. Strike two.

Mabalik tayo sa aking sinimulan.

Gusto ko magsimula muli. Maaaring hindi na bilang si Kulafu, ngunit patuloy pa rin bilang ako. Ako na kasama mo sa oras ng saya at sa oras ng kalungkutan, nagpapaalala at nagpapakita ng mga dahilan para manatili kang masaya. Ako na katabi mo matulog nang mahigit 8 oras dahil walang pasok kinabukasan. Ako na ka-duet mo nang maka-100 ka sa karaoke. Ako na kapareho mong bumagsak sa finals. Ako na kasabay mong naghihintay ng masasakyan sa dis-oras ng gabi. Ako na bigla ring dinatnan. Ako na kasunod mo sa pila sa pagtuli. Ako na sabay na nagdudulot ng kirot sa dibdib at di mapantayang saya dahil palihim mong iniibig.

Strike three.

Out na ako. 30 mins. na raw sabi ng kuya sa counter.

Gusto ko magsimula uli, simula ngayon.



PS. Hindi ako nanunumbat. Naiintindihan kong lahat kami ay naging busy matapos namin pag-isipang gawin ang blog na ito. Maging ako man ay kapuna-punang kaunti lang ang mga nasulat dito. Kumag, thanks for sticking it out till the end. Patuloy ka lang sa pagsusulat. Alam ko namang may iba ka ring inaasikaso bukod sa blog na ito. ;)

Martes, Mayo 1, 2012

Tula ni Kumag: Muling Paalam

Masakit sa tenga ang marinig mula sa iyong bibig
Na ako, at ako lamang ang dahilan
Ng mga pangakasalukuyan mong kalungkutan

Tinitigan mo lang ako habang binabagtas ng aking mga luha
Ang mga pisngi kong patuloy na sinasampal ng mga usok
Mula sa mga tambutso ng mga kotseng nagdaraan sa kalagitnaan ng Ayala

Tumayo ka at iniwan ang dalawang daang piso sa mesa
Na tila isa akong laos na haliparot
Na hindi na kayang ibigay ang mga pita ng iyong laman

Tinapik mo ang aking balikat sa huling pagkakataon
At mabilis na tumungo sa piling niya
At ako ay naiwang bumubulong sa aking sarili ng muling pamamaalam






Miyerkules, Marso 21, 2012

Pasakalye ng Pamamaalam ni Kulafu

Tulad ng blog na ito, may mga bagay na hindi pang-habangbuhay. Mataas ang pangarap sa simula ngunit sa kalaunan, dala ng mga pagbabago sa mga pinagkakaabalahang kumakain sa oras sa araw-araw ay mapagtatanto mo na hindi pala uubra.

Sayang.

Sabi ng isang kaibigan, marami raw taong kung anu-anong pinapasok na kahit gusto nang bitawan ay di magawa dahil sayang. Nanghihinayang sa nailaan nang oras sa panghihinayangan kapag iniwan. Maaaring tignan bilang positibo ang pagpupumilit dahil nagpapamalas ito ng di agarang pagsuko ngunit sa isang banda ay ang pagpapanatili rin sa pagkakatali sa nakaraan at ang pagpigil sa sarili na makausad.

Dibiban ang usapan, palibhasa'y mga mature na kami. Hanggang sa mauwi kami sa paglalaro ng Nanay, Tatay.

Mature di ba?

Nag-e-enjoy pa naman ako sa kwentuhan. Sayang.

Sabado, Pebrero 18, 2012

Kumag's Feelings: Pride Chicken

It's a little saddening to know that there are people who cannot and will not swallow their PRIDE
just to keep the people they said they love.

How long will these loved ones bow down to the these people's feet?
How long can real love last?


Linggo, Oktubre 2, 2011

Kulafu sa Kawalan (Dahil Hindi Na Niya Alam Kung Saan Siya Lulugar)


Inulan ako pag-uwi kahapon. Masaya ang naging pagtatapos ng linggo pero nakakapagod at ang nais ko na lamang ay makauwi agad at magpahinga, matulog. Kaya kahit patuloy sa pagbigat ang suot na damit sa bawat nasasalong patak ay nagpatuloy ako sa pagtahak ng daan patungo sa amin.

Inabutan ako ni Mommy sa tapat ng bahay, nakayuko sa lakas ng paghampas ng ulan sa aking ulo.

"O, ba't ka nagpaulan?"

Na para bang may iba pa akong pwedeng paglagyan sa pag-uwi mula sa pinanggalingan.

---

Maghapunan. Maligo. Matulog. Iyan ang mga huling alaala ko bago nakatulog sa kama ng mga magulang. Parang ilang oras na ang lumipas ngunit hindi ang sakit ng ulo at bigat ng katawan. At dahil hindi pa naman ako nakakarinig ng tawag na makisalo sa hapag-kainan ay nagpatuloy lang ako sa pagkakaratay. Tutal gigisingin naman ako ni Daddy pag-uwi niya galing trabaho. Pagod din siya panigurado at gugustihin ding magpahinga.

At ako'y nakatulog ulit.

Inabutan ko ang sariling nagising mula pa rin sa kanina pang kinalalagyan. Anong oras na ba? Lumabas ako para magbanyo. Pagdungaw sa sala ay nakita ko na lang si Daddy sa sofa habang si Mommy ay humihimbing sa isang air bed na nakalatag sa sahig. Napaisip tuloy ako kung ano ba hitsura ko pag-uwi para pagbigyan nilang payapang makapahinga sa kama nila habang sila'y nagtitiyaga dun sa sala. Napaisip din ako kung napaparamdam ko pa sa kanilang mahal na mahal ko rin sila.

---

Sabagay, sa tinuluyang bahay pa lang ng kaibigan ay makailang beses na rin akong natanong kung okay lang ba ako. Oo ang lagi kong sagot. Minsan binalikan ko yung tanong, bakit. Mukha raw kasi akong malungkot. Palibhasa hindi naman dinaan sa tanong kaya hindi ko rin kinailangan sumagot ng oo.

Dahil siguro nga. Oo.