Huwebes, Abril 7, 2011

Enter Kulafu

It is with a heavy heart that I take up the pen to write the words you are reading this very moment, stranger. Heavier, still, is the pen itself dahil exagg lang daw ang biglang pag-English sa bungad.

Ilang gabi na rin akong nakakatanggap ng banta sa aking buhay mula sa kumag na si Kumag dahil sa hindi pagsusulat sa blog na ito. Ano nga ba naman kasi ang aking maiaambag? E mula nang mamulat ako sa mundo at matutong mag-Facebook ay never in my tanang buhay pa, promise, as in never pa talaga, akong nagsulat ng kahit anong angkop sa isang humor/entertainment blog. Katunayan ay hindi ko mapigilang mabahiran ng drama ang mga akda sa bawat tangkang sumulat at luha ang tintang lumalagda sa bawat tulang aking nalilikha. Chos!

Ngunit masisisi niyo ba ako? Sa murang edad na labingwalo, maaga akong naulila at kinailangang ipadala sa evil stepsisters sa Bundok Tralala para magtanim ng kamote at doo’y maging living lampaso with built-in washing machine and baking oven nila. Nilakipan ng proof of purchase ng Knorr chicken cubes of any variant, sinobre, hinulog sa dropbox sa may suking tindahan, sabay nawala rin sa Customs. Tuluyan nang mag-isa sa buhay, napilitan akong kumayod para may makain at may pang Venti White Chocolate Mocha Frap: naging takatak boy; namasada ng dyip; naging manikurista, barista, masahista, La Sallista, ateista, komunista; naging si Batista; nag-artista hanggang sa nalaos at nauwi uli sa pagiging manikurista. Hindi na rin bago sa akin ang bumagsak sa finals, ma-late sa job interview, ma-two-time ng jowa, o ma-jebs sa MRT habang rush hour. Ako ang batang walang makain sa ilalim ng tulay. Ako ang sigaw sa Balintawak. Ako ang ninakaw na kaban ng bayan. Ako! AKOOOOOOOOO!

*hingal dahil nasobrahan sa OA*

Ngunit, subalit, datapwat, ako rin ay ang kupal mong kainuman sa unang gabi ng iyong breakup. Ako ang suspension of classes dahil may bagyo. Ako ang napulot mong isandaang piso (na tigba-barya). Sa kabila ng lahat ng kamalasang ‘to sa buhay, ako ang kasama at kakwentuhan mo sa pagtuklas ng mga dahilan para ngumiti at tumawa, ng mga munting bagay na patunay na ang buhay ay nananatiling masaya.

Ako si Kulafu, ang inyong vice-governor.

Ay teka, matagal pa pala eleksyon.

…Ahem.

Ako si Kulafu. ‘Lika, kwentuhan tayo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Lakipan ng dalawang (2) pakete ng Maggi Me! instant ispageti of any variant at limangdaang piso bago ipadala.