Lunes, Mayo 30, 2011

Kites, Kampihan, Kulafu

Nung isang araw nga pala nagpa... Uh, nag... Kwan, bale kasi, sinubukan naman namin pero...

Hmm.

Sasabihin ko sana "nung isang araw nagpalipad kami ni Kumag ng saranggola" kaso magsisinungaling na naman ako kung sinabi ko yun. Ang nangyari lang kasi e may saranggola kami ni Kumag tapos salitan lang kami sa paghagis nun sa pag-asang lilipad siya matapos tumakbo-takbo nang kaunti na parang hinahabol ng airborne na ipis. Pwede ko rin ipunto na wala rin kasi masyadong hangin nang mga panahong yun kaso hindi ko naman pwedeng idahilan na sinapian ng ispiritu ng manananggal yung mga saranggola ng iba pang tao sa paligid namin kaya nakakapagpalipad sila samantalang kami e hanggang tingin na lang.

Kaya hindi. Hindi kami nagpalipad ng saranggola.

---

Oo na, ako na ang hindi ganap ang pagkabata dahil hindi ko naranasan noon magpalipad ng saranggola. Hindi mo rin naman ako masisisi, wala kasing lugar na mapagsasanayan dito kung saan ako lumaki maliban na lang kung dun ako sa mga kawad ng kuryente nakabalanse habang nagpapalipad para hindi sumabit sa kung saan yung sinulid. Trumpo? Oo na, hindi rin ako marunong. Iniisip ko pa kung anong pwedeng palusot ko.

Pero kung ano naman ang pagkukulang ko sa mga laruan ay binawi ko sa mga laro. Di tulad ng mga batang puro videogames na lang ngayon ay naranasan ko namang maglaro ng patintero, tamaang-tao, agawang-base, agawang-panyo, ice water, maski soccer gamit ang pinitpit na lata ng softdrinks sa aking kamusmusan.

---

Ibang-iba na ang mga laro ngayon sa mga larong kinalakhan ko. Ngayon, isang pindot lang sa "START BUTTON" o kaya "CONTINUE/LOAD GAME" kung may saved file ka e makakapagsimula ka na agad sa laro mo. Noon, may mga ritwal pang magtatakda kung saang koponan ka sasali o kung sino magiging taya bago magsimula. Habang may mga mas simple tulad ng "Maibaaaaaaa...taya!" (kung sino ang naka-face down/up ang palad na kaiba sa mga kalaro ang taya; madalas may lutuang nagaganap) o kaya "Kampiiiiiihan!" (kung sinu-sino ang magkakapareho ng posisyon ng palad ang magkaka-team), may mga mas komplikado naman tulad ng "Ice water, ice water, if your shoes is dirty, please go home and change it!" (nakatayo kayo sa isang bilog at parang nagsasawsaw-suka sa paa niyo yung nagcha-chant, tapos aalisin ang paang hihintuan ng chant hanggang sa isa, yung sa taya, na lang ang maiwan; obviously, nasobrahan sa kakalaro ang nag-imbento dahil sablay ang subject-verb agreement ng chant)

Sa mga laro ngayon, kadalasan sa mga RPG tulad ng Final Fantasy o Suikoden series, ang mga tauhan ay nagle-level up at mas lumalakas, at pwede pa lalong lumakas kapag bibilhan mo sila ng armas, kalasag, at kung anu-ano pang equipment. Noon, ikaw mismo ang lumalakas. Bukod sa bonggang cardio na dala ng magdamagang pagtakbo e nade-develop hindi lang ang muscles sa binti kundi pati mga kalyo mo sa paa kaya kahit wala kang equipment (read: butas na ang black shoes) e keber na lang huwag ka lang mataya. Masusubukan din ang tibay ng iyong likod kapag naglaro kayo ng luksong-baka at mistulang baka sa timbang yung mismong biglang nag-vault sa 'yo.

May mga plot ding sinusundan ang mga videogames para ma-hook ka parang sa telenovela, kaso sa mga larong tulad ng Call of Duty na first-person shooters, mas yung thrill na magpatayan ang habol ng mga naglalaro. Hindi naman nahuhuli dyan ang mga laro noon. Watch as the drama unfolds din kapag nagkakapikunan na kayo kesyo wala naman sa usapang may patotot o around the world sa laro niyo ng patintero, o nakakaramdam na yung hikain niyong kaklase na pinagtutulungan siya para laging maging taya. Andyan na ang hidwaan sa magkakaibigan, ang ilang araw ng hindi pansinan, pero ilang araw lang din at sila-sila na naman ang makikita mong pawisan pagpila sa flag ceremony. Aba, at kung violence din lang ang habol e hitik din dyan ang mga tradisyunal na laro! Malilimutan mo ba naman ang chant sa larong langit-lupa? "Langit, lupa, impyerno. Im-im-impyerno. Saksak puso, tulo ang dugo. Patay, buhay, umalis ka na di-yan sa pwesto mo!" Matter of life and death 'to mga p're. At kesehodang may patalim ka sa dibdib, kapag sinabing alis, alis! Para ka lang ekskomunikado. O di ba ang tindi ng imagery? Minsan nga e literal pang may dumanak na dugo nang pumutok ang labi ng kaklase sa isang brutal na laro namin ng agawang-panyo. E kung di ka ba naman malasing sa adrenalin kung may mga ganyan nang nagaganap e ewan ko na lang.

Nakakalungkot lang isipin na bihira na lang yata ang mga batang marunong ng mga tradisyunal na larong ito. Kung tutuusin e mas maganda pa nga ang mga ito kaysa sa mga videogames ngayon dahil bukod nga sa uri na rin ito ng ehersisyo ay may aktwal na interaksyong nagaganap sa pagitan ng magkakaibigan. Pansinin mo na lang, karamihan sa kabataan ngayon e mukhang anak ng blue whale at malabo agad ang mata sa murang edad habang hindi sanay makisama sa iba dahil nasanay na nakatutok lang lagi sa harap ng screen. At mura pa! Walang gastos ang kailangan sa mga larong ito kung tutuusin, at maging ang requirements sa tumbang-preso na lata at tsinelas, halimbawa, ay madali lang naman hanapin sa suking dump site. Kumpara mo naman sa arcades na maya't maya ang lamon ng barya lalo na kung ang nilalaro mo e fighting game tulad ng Tekken at sa kasamaangpalad e bano ka, o kaya sa PSP na ni hindi mo nga magamit na pamato sa piko o tatsing pero halos ilang daang lata at tsinelas yata ang katumbas sa taas ng presyo (maliban na lang kung Havaianas ang tsinelas flip-flops na bibilhin). At kahit anong ganda pa ng video card o speaker mo e wala pa ring tatalo sa graphics at audio sa labas ng bahay: 3D at talaga namang high-definition ang buong paligid na balot ng liwanag ng papalubog na araw habang surround sound mong naririnig kayong magkakalaro na naghahalakhakan at ang minsanang alingawngaw na chismis mula sa kapitbahay.

Mahaba-haba na rin pala ang nasulat ko at dahil gusto ko nang matulog pero hindi ko pa alam paano ito tatapusin ay pupu—

[INSERT COIN(S) TO CONTINUE]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Lakipan ng dalawang (2) pakete ng Maggi Me! instant ispageti of any variant at limangdaang piso bago ipadala.