Miyerkules, Mayo 25, 2011

Opinyon ni Kumag: Reproductive Health Bill (RH Bill)

Sinipi ang litrato mula sa pahinang ito

Sa lahat ng taon na dumaan ang naturang panukala sa lehislatibong sangay ng gobyerno, ngayong 2011 na marahil ang taon kung kailan talagang unti-unti nang hinihimay hindi lamang ng mga opisyal ng gobyerno kundi pati ng mga taong-bayan ang isyung ito tungkol sa populasyon. Kung kaya’t upang hindi humaba, hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Halina’t samahan ninyo akong isa-isahin ang ilan sa mga puntong natatalakay sa isyung panlipunang ito.

Una, MY KUMAGOODNESS NAMAN! Huwag nating gamitin ang Biblia sa isyung ito (lalo na sa Batasan, sa harap ng mahigit isangdaang katao sa Kongreso). Ang pananampalataya, siyensiya at lipunan ay may iba’t-ibang realm. Sa mga interuniversity debates, kadalasang hindi pinapayagan na gumamit ng anumang excerpts mula sa mga librong panrelihiyon dahil hindi dapat kinukuwestiyon ang pananalig o pinaniniwalaan ng mga tao. Wala kasing paraan upang ma-i-disprove ito. At kung gagamitin man ang Biblia, hindi ba’t napakaimbabaw at mapanlait naman nito sa mga Pilipinog Muslim, Buddhist at Taoist? Oo. Madami nga sa atin ay Kristyano ngunit gaano man kaliit o kalaki ang paggagamitan mo ng Biblia, magmimistualng mapanghusga o bias pa rin ito. Ngunit HINDI naman iyon ang pinakapunto. Sa ganang akin, sinabi nga ng Diyos na “Go forth (Hindi “Go out” Honourable Boxing Champ. Ginagamit lang yun kapag nawiwiwi o najejebs ka at nasa kalagitnaan pa ng pagtuturo ng sonnets ni Shakespeare at Milton si Mam Dimaculangan. At Mommy D, please lang, magfocus ka na lang sa pagba-ballroom mo o di kaya magpakahandusay ka sa dami ng iyong Louis Vitton at Chanel bags mo.) and multiply.” Ngunit pinuputol lamang doon ng mga mapagpanggap na relihoyosong kontrapelong supporters ng anti-RH Bill. Nalimutan nila o sadya nilang kinakalimutan ang katuloy na sinabi ng Diyos na “Go forth and multiply. Fill the earth and subdue it. Rule over everything that moves above the ground.” Kapag sinabing subdue, ibig sabihin control o govern. Sa Filipino, pamunuan... at maaari na nating idagdag, yamang tayo ay ginawang katiwala ng Diyos na... pangalagaan. Sa tingin niyo ba kapag hinahayaan nating mag-anak ng mag-anak ang karamihan sa atin ay nabibigyan ang lahat ng bata ng wastong pangangailangan? Hindi ba’t maraming bata ang nasa mga kalye’t ilalim ng tulay at nanlilimos? Hindi ba’t maraming bata ang nagtatrabaho sa murang edad? Hindi ba’t maraming bata ang kumakalam ang sikmura? Hindi ba’t maraming bata ang hindi nakakapag-aral? Hindi ba’t maraming bata ang inilalako ang kanilang mga katawan bilang panandaliang-aliw magkapera lamang? Hindi ba’t marami ang namamatay dahil hindi nalulunasan ang kanilang mga sakit? Nasaan ngayon ang sinasabi nilang pamunuan... at pangalagaan?

Ikalawa, napakakitid naman ng utak ng mga taong ang iniisip na kapag naipasa ang RH Bill ay ibig sabihin e hayaan na lang sina Totoy at Nene na pumunta sa barangay center kumuha ng condom at contraceptive pills tapos hayaan sila na maglatag ng karton ng pancit canton o sabong panlaba at magtalik dun sa may bodega o sa gitna ng talahiban. Sa totoo lang, ang masyadong binibigyan ng isyu ay yung ipapamudmod na condoms at contraceptive pills. HINDI TALAGA ako pabor sa condoms at contraceptive pills. Ngunit sa panahon na ito kung kalian kahit parang sirang plaka na ang simbahan kakasabi ng ABSTINENCE e wala naman talagang sumusunod e marahil oras na upang magpataw ng batas na tutulong upang maiwasan ang maagang pagbubuntis ng mga kireng kadalagahan at pagkalat ng AIDS sa mga girl, boy, bakla, tomboy, butiki, baboy, kabayo, at unggoy. Ang pinakalayunin ng RH Bill ay family planning. Naintindihan niyo ba? Uulitin ko: FAMILY PLANNING. Noong maliit pa ako at hindi pa tuli ay tinuruan ako at ng mga kaklase ko ng aming mga guro sa Values Education, at Home Economics and Livelihood Education ng tungkol sa sex. Kasunod nito, ipinakita nila kung paano ang maagang pagbubuntis o pagbubuntis sa labas ng kasal ay hindi nakakatulong sa lipunan at bagkus ay nagdudulot ng sunud-sunod na problema. Itinuro nila na dapat ang bawat pamilya ay maayos na pinaplano ang kani-kanilang buhay. Hindi sa pagmamalaki ngunit masasabi ko namang ako ay tumandang may alam at edukado sa sex at (kahit kakarampot man) sa pagbuo ng pamilya... dahil sa mga tinuro nila noong ako’y nasa murang edad pa lamang. Naniniwala akong ang SAPAT AT TAMANG edukasyon (na nakapaloob sa at talagang dapat focus ng RH BILL) ay nakakatulong upang hubugin ang mga kabataan sa wastong pagplano hindi lang ng kani-kanilang pamilya ngunit ng kani-kanilang mga kinabukasan.

Ikatlo, makitid din ang utak ng mga taong ang iniisip na kapag naaprubahan ang RH Bill ay hihilera na ang mga kireng kadalagahan sa harap ng clinic ng abortionistang si Dr. Mang A. Gahasa upang magpasungkit ng fetus na nabuo sa pagtatalik ng mga naturang malalanding kadalagahan kay Badong, Tolits at Junior na kasalukuyan ay nag-iinuman pa rin sa kanto dahil walang trabaho. Ang condoms at contraceptive pills na gagawing mas accessible ay tutulong upang maiwasan ito. NGUNIT babalik tayo sa family planning. Kung maisasaksak sa ulo ng mga kabataan ang kawalan ng kagandahang idudulot ng pakikipagtalik ng wala sa plano at maipapakita ang karumal-dumal nilang sasapitin at tatanungin natin sila kung gusto nga ba talaga nila na manatili o magkaroon ng hikahos na pamumuhay, ang mga abortionista ay mas lalong mawawalan ng puwang sa ating lipunan.

Ikaapat, mas hangal pa sa akin ang mga Pilipinong nag-iisip na kaya pa nating magsustain ng maraming Pilipino at hindi pa tayo umaabot sa populasyon na kagaya ng China at India. Aba’y hihintayin pa ba nating pumantay ang bilang ng ating populasyon sa dalawang bansang ito? Mga ungas ang sinumang nag-iisip niyan! Ang populasyon ng mundo sa kasalukuyan ay 6.8 billion. Ang China ay may 2 billion katao habang ang India ay may 1 billion katao. (Halos kalahati ng bilang ng tao sa mundo!) Ang Pilipinas sa pagkakaalam ko ay may 90 million. Isipin niyo nga, kay laki-laki ng land areas ng China at India! Wala pa sa kalingkingan ang land area ng Pilipinas at meron tayong 90 million na kataong dapat pagkasyahin sa ga-kulangot na laki nating bansa! Bukod doon, nakikita niyo ba sa TV na parang prinsipe at prinsesa kung mamuhay ang mga Chinese at Indian? Hindi ba’t hirap din sila sa pamumuhay? E bakit gusto pa ng mga kung sinumang pontio-pilatong gayahin natin sila? Pakakainin ba nila ang mga karagdagang Pilipino? Bibihisan? Pag-aaralin? Gagamutin kung may sakit? At mas tunggak pa sa akin ang nagsasabing may espasyo pa sa Pilipinas—sa mga bundok daw at malalayong isla. E kung sila kaya patirahin dun? At mas lalo pang hangal ang magsasabing palabasin ang iba ng bansa. Bakit teritoryo ba natin yung ibang lupain? Sobrang dami na ng mga Pilipino. Hindi lahat may matinong pamamahay. Hindi lahat may matinong trabaho. Paano niyo sasabihing ang solusyon ay pabahay at trabaho kung sa sobrang daming tao e wala nang makitang espasyo at bakanteng trabaho. Ang tunay na solusyon ay planuhing mabuti ang pagpaparami ng mga Pilipino.

Ikalima at marahil pagtatatapos ko na rin. Bakit nga ba nakakaangat ang mga bansang tulad ng Norway, Singapore at Japan? Sa tingin ko dahil gusto ng mga mamamayan doon na maging matiwasay ang kanilang pamumuhay. Alam nila na kapag hindi nila pinlanong mabuti ang bilang ng kanilang mga populasyon ay hindi nila maaasam ang kagaanan ng buhay. Alam nilang mas magiging hikahos sila kung magdadagdag sila ng katao sa kanilang bahay ng wala sa plano. Alam nila na kung ipipilit nilang magkaanak ng walang sapat na pinansya, hindi nila maipagkakaloob ang matinong pamumuhay sa mga anak nila. Gusto mo rin bang magkaroon ng matiwasay na pamumuhay? Gusto mo rin bang hindi mahirapang makahanap ng trabaho dahil kaunti lamang ang kakumpitensiya? Gusto mo rin bang magkaroon ng kotse at magmaneho sa mga lansangang hindi congested dahil kakaunti lamang ang sasakyan? Gusto mo rin bang makakain sa mga restaurant na kinakainan ng mga sikat na personalidad dahil malaki ang suweldo mo at hindi kailangang upuan ng matagal ang minimum salary sa Kongreso dahil may sapat na laman ang kaban ng yaman upang ipagkaloob sa mga mamamayan?

Hindi perpekto ang RH Bill. Sa totoo, ayaw ko yung konsepto ng mga condoms at contraceptives. Ngunit naniniwala ako na kapag mapasa ang RH Bill, hindi lang ito makakatulong sa isyu ng populasyon o pagkalat ng sakit o pagpapaalis sa mga abortion clinic; maiiwasan nito ang posibleng pagnanakaw upang makabili lamang si tatay ng gatas ni beybi, ang posibleng pagbebenta ng laman ni inay upang may pampaaral ang mga anak at marami pang iba. Kapag naipasa ang RH Bill naniniwa ako na mas magiging madali itong mamodipika upang bagayan ang pangangailangan ng mga mamamayan ng bansang ito na lugmok hindi lamang sa kahirapan ngunit sa iba’t-ibang aspeto ng buhay.

Kung hindi natin susubukan ang RH Bill, paano natin malalaman ang posibleng magandang kahihinatnan ng ating lipunan?

PS: Ang mga opinion na nakasulat sa itaas ay nanggaling lamang kay Kumag. Ang mga opinion nina Kerengkeng, Kulafu at Kulasa ay hindi nasasakop ng artikulong ito. Si Kumag ay binigyan ng kalayaang ipahayag ang kanyang saloobin sa Kabulastugan blog. Hindi niya nais awayin ang sinuman patungkol dito bagkus ay naghahangad lamang na maiparating ang kanyang pananaw. Bayaan po lamang na idirekta ninyo ang inyong mga komento at suhestiyon, kung mayroon man, kay Kumag.
Philippines: Overpopulation is a Myth Video mula sa YouTube

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Lakipan ng dalawang (2) pakete ng Maggi Me! instant ispageti of any variant at limangdaang piso bago ipadala.