Bakit nga ba mahilig magpatawa si Kulafu?
Matagal ko ring pinagnilayan ‘yan mula nang mabati ng isang kaibigan. Hindi naman ako kalbo. Hindi naman ako kumikita ng pera sa pagpapatawa. At lalong hindi naman ako nakakatawa. Bakit nga ba? Bagamat sa puntong ito ay pwede na akong mag-ad-lib kung paanong tumawid ako ng pitong bundok upang humingi ng kasagutan sa isang ermitanyong nakatira sa tabi ng batis sa bukana ng isang yungib kung saan may niligtas akong dalagang iaalay sa halimaw na kalahating-dragon, kalahating-pot holder upang patunayang ako ay karapatdapat sa karunungan ay huwag na lang dahil bukod sa corny ay hindi naman talaga yun nangyari. Sa halip, dumating sa akin ang kasagutang walang katiyakan habang naggugupit ng kuko: nagpapatawa ako para magpasaya ng mga tao.
O teka lang. Bago niyo ako gawan ng rebulto at sabitan ng sampaguita e patapusin niyo muna ako. Hindi naman sa nagpapakadakila ako nang sabihin ko yun. Katunayan, sa sobrang kaiisip (matagal talaga ako maggupit ng kuko) ay aking napagtantong kaya ko gustong masaya lagi ang mga tao sa paligid ko ay dahil na rin sa kahinaan ko sa pagdala sa sarili sa harap ng mga stressful na sitwasyon, o yun bang mga pagkakataong kailangan magseryoso. Parang makasarili nga ang dahilan kung tutuusin dahil maaaring sabihing paraan ko yun para makaiwas sa mga pagkakataong nakaka-stress para sa akin. Hayaan niyong kuwentuhan ko kayo bilang paghahalimbawa.
Minsan may kausap akong kasama sa isang organisasyon. Dalawa lang kaming nagdidiskusyon sa mga gawaing kailangang tanganan nang bigla siyang nakatanggap ng tawag. “Patay na raw si lola,” ang sabi niya pagbalik sa akin habang humahagulgol. Naiintindihan ko siya, bilang ako mismo ay malapit din sa sariling lola bago ito namatay. At ako, bilang si Kulafu na hindi nga sanay sa ganitong scenario, ay biglang kinailangang pumili sa choices na una sa lahat ay hindi ko alam kung may correct answer ba:
a) Dedmahin si friendship at hayaang mag-moment mag-isa,
b) Subukan siyang i-comfort sa pamamagitan ng isang joke, o
c) Yakapin siya.
Masyadong malupit naman kung pipiliin ko ang una. Pakiramdam ko mas makapal pa ako sa kalyo ng kanang paa ng evil stepmother ni Cinderella kung bigla ko na lang siyang talikuran sa oras na kailangan siyang damayan. Mukha naman akong insensitive kung gagawin ko ang pangalawa at biglang mag-knock-knock joke (“Knock, knock.” “Who’s there?” “Lola mo.” “Eskyusmi, nasa probinsya kaya ang lola ko.” “Namatay ako kaninang tanghali apo; multo na ‘ko.”), or worse, bumanat ng cheesy line (“Ako ba ang lola mo? Patay na patay kasi ako sa ‘yo e!”). Dahil bakit ka nga naman tatawa kung may nagluluksa? Yung pangatlo naman…
Yung pangatlo.
Ayun. Pakiramdam ko pinakaangkop gawin yung pangatlo sa lahat ng naisip ko pero sa puntong ito, na-gets niyo naman na sigurong socially-awkward ako kaya hindi ko rin magawang biglang mangyakap ng tao kahit yun ang gusto ko. Mapagkamalan pa akong manyak ano, mahirap na.
At dahil hindi ko na matandaan ano ang mga sumunod na pangyayari ay mabalik tayo sa kanina nating pinag-uusapan. Siguro ang gusto ko lang sabihin ay dahil nga mahina ako sa mga sitwasyong tulad ng sa kwento sa itaas, inuunahan ko na ang mga pangyayari. Nagpapatawa ako dahil gusto ko ang mga taong mahal ko na maging masaya habang may panahon pang tumawa, at dahil alam kong hindi ako magiging malaking tulong sa panahong biglang may kinaharap na silang krisis sa buhay. Magpakatotoo tayo, may mga problema nga namang hindi nareresolba at/o mahirap idaan sa tawa. Aba e kung pwede lang na dalawa tayong sasagot ng board exams mo o kaya’y susulutin ko ang karelasyon mo bago ko siya gaguhin para ako na lang ang break-in niya e ginawa ko na. Kaso hindi pwede e. At ito mismong pagpapamukha sa akin na kawalan ng kakayahan ang dahilan kung bakit matindi kung maapektuhan ako ng mga dinadalang pasakit ng mga taong mahal ko. Pero inuulit ko lang ang sarili ko.
Tila yata bukod sa pagpapatawa e problema ko na rin ang pagsusulat.
May nabasa ako kung saan dati na “people who act very happy are actually those who are very sad inside.” O parang ganun. English kasi kaya hindi ko natandaan.
Ayoko nang dumagdag pa sa mga inaalala ng mga mahal sa buhay kaya kung sino man nagsabi niyan, sana nagsisinungaling lang siya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Lakipan ng dalawang (2) pakete ng Maggi Me! instant ispageti of any variant at limangdaang piso bago ipadala.