Sa ilang oras ay ikakasal na ang isa sa mga pinakapinag-aagawang bachelors ng siglong ito—si Prince William ng Britanya. Ang kanyang soon-to-be wife ay si Kate Middleton na ang angking simpleng kagandahan ay pumuwesto bilang ikatlo sa pinakanakakabighaning mga prinsesa sa nagdaang mga taon. Pili lamang ang makakapasok sa simbahan ng Westminster Abbey upang makasaksi sa pag-iisang dibdib ng dalawang magsing-irog. Salang-sala ang binigyan ng mga imbitasyon upang firsthand na marinig ang pagsasabi nina Prince William at Kate ng makapangyarihang “I DO.” Ngunit subalit datapwat dahil sila ay mga public figures at dahil alam naman nating hindi papapigil ang napakakulit na mga miyembro ng media na kulang nalang siguro ay ipa-bulldozer ang simbahan upang maidukdok lang ang kanilang mga mikropono sa bibig ng dalawang lovebirds na mga ito upang marinig ang mga kung anumang sasabihin nila at upang mapataas ang rating ng viewership ng kani-kanilang network at i-claim na sila ang number one sa kani-kanilang mga bansa (whew! Ang haba nun ah?!), kailangan i-sensationalize ang kaganapang ito at i-involve ang buong sangkatauhan. At dito (oo, dito nga!) ako pumapasok—ang kumag na si Kumag ng buhay niyo.
Sa totoo lang, wala namang mangyayari sa akin na makabuluhan kung ikasal man o hindi si Prince William at Kate. Pero dahil kailangan ko lang talagang maibahagi ang aking mga nagbabagang saloobin sa sobrang ka-OA-an ng maraming mga Pinoy na sobrang excited malaman ang mga kaganapan sa naturang kasalan sa Britanya, I felt the need na magsulat ng isang napapanahong entry. At bihira akong mapasulat ng biglaan! Hindi ko lang kasi ma-take (as in ma-Take with a capital T) ang sobra-sobrang nag-uumapaw na pananabik (with sprinkles and cherries on top) ng maraming mga Pilipino na para bang sila yung ikakasal. Mas excited pa sila dun sa dalawa. Kaka-imbiyerna lang?!
Oras na maisuot na ni Kate ang singsing na ipagkakaloob ni Prince William, GAME OVER na. Goodbye to singlehood for the both of them. And for us, WALA. Kung iisipin niyo, WALA naman talaga tayong mapapala. Ang kasalan nina Prince William at Kate ay hindi naman tayo payayamanin, hindi naman tayo pasisikatin at lalong-lalo na hindi makakatanggal ng mga problema ng ating bansa, lipunan at ating mga kanya-kanyang buhay. Ang pinakapoint? Okay lang na maging updated sa mga isyung panlabas ngunit sana naman ay hindi na kailangang i-full KSP (as in kulangot sa pader) coverage ang pag-iisang dibdib ng mga taong wala man lang dugo ng lahing kayumangging nananalantay sa kanilang mga ugat. E kung gamitin na lang kaya ng mga networks ang rolyo ng film ng kanilang mga camera sa pagsisiwalat sa mga katiwalian sa gobyerno, paghahanap ng mga lungga ng mga drug pushers at users at human traffickers, at pagsolve sa mga krimen na hindi pa rin nabibigyang kasagutan sa matagal na matagal na panahon? Ang isang problema sa bansang ito? Oras na may bagong balita, natatabunan ang mga naunang isyu at nakakaligtaan na lamang. At pagkatapos ng ilang dekada, kapag may related scoop na nakuha, dun lang ulit huhukayin ang istoryang binaon na sa limot. Kapanahunan nina Juday at Gladys ng Mara Clara ng makulong si Hubert Webb. Noong lumabas si Hubert Webb, 20 taon na ang nakakalipas; nanganak na si Judy Ann, naging hurado na si Gladys sa Showtime at ang pinakamasaklap sa lahat, na-remake na ang Mara Clara. Pumasok at lumabas si Hubert Webb sa kulungan at may Mara Clara pa rin.
Pero lumalayo na tayo sa usapin.
Hindi ko alam kung paano niyo ida-digest ang mga pinagsasabi ko. Ang opinion ko lamang, huwag nating sayangin ang ating effort, pera at oras sa mga bagay na hindi dapat pina-prioritize. Marami sa inyo marahil ang may mga violent reactions. Naiintindihan ko. Bawat isa sa atin ay pinagkalooban ng kalayaang magbahagi ng saloobin. At ito ang aking parte. Ito ang aking kontribusyon.
Hindi ako manonood ng TV. Hindi ko susubaybayan ang kanilang kasalan. Ang dami kong dapat asikasuhin na mas mahalaga. My goodness naman ano? Kailangan magbayad ng mga bayarin. At hindi naman ako bibigyan ng pera nina Prince William at Kate para sa mga gastusin ko sa buhay ko, kaya paki-parating nalang itong aking mensahe sa dalawang haharap sa dambana sa Royal Wedding:
“Best Wishes Prince William and Kate.”