Hindi ako yung tipong mahilig manalamin. Bukod kasi sa di ko masikmura ang kasuklam-suklam na pagmumukhang nakikita ko tuwing sumisilip sa mga salamin, isa yata ako sa piling tao ngayon na hindi banidoso (lusot na ako sa #3 sa listahan ni Kumag!). Lalo ngayong summer at bihira na akong lumabas dala na rin ng kawalan ng pera, lalong nabawasan ang oras ko sa harap ng salamin dahil keri lang naman magmukhang taong grasa kung sa bahay lang din naman ako buong araw. Kahit mapagdedesisyunan mo sigurong pintahan ang aking mukha habang natutulog, matatapos mo yung pininta ni Michelangelo sa kisame ng Sistine Chapel nang hindi ko nalalaman. Ganun katindi. Kaya ganun na lang ang gulat ko nang napadungaw ako sa isa kagabi at nakita ko na naman ang kasuklam-suklam na pagmumukhang sinasabi ko.
Na may tigyawat.
Hep! Hep! Hep! Bago umikot ang inyong eyeballs ay gusto ko lang linawin. Hindi na bago sa akin ang tigyawat. Kailanman ay hindi ko rin naman sinabing kakinisan ang aking kutis. Pero kasi mga ate, it’s not just one, not just two, but triplets ang mga walanghiya! Walastik! At hindi pa nakuntento dun, nakalinya pa sila sa bandang kaliwa ng aking mukha, parang connect-the-dots. Araw-araw naman akong naliligo at naghihilamos. Regular naman kung magpalit ako ng punda ng mga unan. Hindi naman ako lumulublob sa putikan sa maghapon. Kaya hindi ko talaga mawari bakit nag-anak ng tatlong malulusog at nagkikintabang tigyawat ang aking mukha. At dahil nga hindi ako palasalamin ay hindi ko rin alam kung kailan pa sila nandyan at lalong hindi ko alam kung sino ang “ama.”
OA ba? Hindi naman. Sabi ko nga, hindi naman ako banidoso at tambay lang ako sa bahay kaya di rin ako masyadong nababahala. Kung tutuusin, buti nga triplets lang sila at hindi naging octuplets. O kaya octopus. Imagine kung paggising mo isang araw tinubuan ka ng octopus sa mukha. O kaya siko. Nalipat yung kanang siko mo kung saan dapat yung ilong mo. Ang pangit. Marami pang ibang mas masaklap na posibleng nakita ko sa mukha nang manalamin kagabi, ngunit ang nakita ko lang ay tigyawat, kahit pa tatlo sila. Kaya kung tutuusin, masasabing nagpapasalamat pa rin ako at tigyawat lang ang nakita kong kakaiba sa salamin kagabi sa halip na pugita, o naligaw na parte ng katawan, o duguang babaeng magulo ang hanggang baywang na buhok at walang mata na nasa likuran mo na ngayon.
***
Alam mong inabot na ng init ang utak mo kapag wala ka nang ibang maisip na paksa bukod sa tigyawat. Buti pa si Kerengkeng, nakatira sa pridyider.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Lakipan ng dalawang (2) pakete ng Maggi Me! instant ispageti of any variant at limangdaang piso bago ipadala.