Walang Alam. Boploks. Bobo. Engot. Estupido. Hangal. Tanga. Tunggak. Ilan lamang yan sa mga kasingkahulugan ng Kumag, ang pangalan na napili kong itawag ninyo sa akin. Okay namang tawagin ninyo akong “Walang Alam.” Pero ang haba naman kayang bigkasin di ba? Kung bobo, engot, hangal, tanga o tunggak naman, baka ma-censor tayo ng kung anumang ahensya ang in-charge sa pagsuri ng mga websites. Ayaw ko namang ma-ban itong blog namin. Kung estupido naman, tunog Espanyol. Mas gusto ko siyempre na ang pangalang gagamitin ko ay Pinoy. At kung boploks naman, masyado namang out-of-place kung isasama sa pangalan nina Kulasa, Kulafu at Kerengkeng na nagsisimula sa titik K. Basically, jina-justify ko lang talaga yung Kumag kahit walang kakwenta-kwenta yung mga dahilan.
Pero kung malalim kong pag-iisipan kung bakit angkop sa akin ang pangalan na Kumag, ito malamang ay dahil ako ay isang tao na tanggap ang aking kawalang kaalaman. Sa mundong ito na puno ng matatalino at lalong-lalo na ng mga nagpapanggap na mga matatalino, at least may isang tao na pinagmamalaki ang kanyang kamangmangan. Kumbaga, i’m one-in-a-million. At dahil sa kahangalang ito, ako tuloy ay nagkaroon ng lubos na pananabik na tumuklas ng mga bagay-bagay.
Kung kaya’t sa pamamagitan ng blog na ito, samahan ninyo akong alamin ang mga bagay na may kinaugnayan sa kasaysayan o sa hinaharap; sa Agham o sa Relihiyon; sa pulitika o sa showbiz; sa musika o sa pelikula; sa sining o sa pampalakasan; sa heyograpiya o sa lipunan; sa mga kabataan o sa mga damatans; at sa pagkarami-rami pang bagay na hindi ko na maibilang sa listahan. Tuklasin natin ang lahat sa ating paligid pati kung bakit ganoon ang hairdo ni Aguinaldo; kung paano natanto na sa ika-21 ng Disyembre daw magugunaw ang mundo; kung bakit nakaka-alarma ang pagkalat ng mga radioactive materials sa Japan; kung bakit hindi pwedeng mag-asawa ang mga pari; kung bakit tinanggap ni Shalani ang hosting job sa Willing-Willie, at kung eventually ay mapipikot siya ni Willie; kung mas madami pa ang pinagsama-samang bilang ng mga anak nina Ramon Revilla (Sr.), Dolphy at Erap kaysa sa mga estudyanteng nag-aaral sa paaralan ng Ramon Magsaysay sa Cubao; kung ano ang cap size ni Rufa Mae Quinto; kung may asim pa nga ba si Madam Auring (teka, buhay pa ba siya?); kung reincarnation ba ni Aaron Carter si Justin Bieber; kung paanong ang pag-gaya sa frontal ni Coco Martin sa isang gay indie film ay maaaring gamitin bilang road to stardom; kung ang vandalism ba ay isang uri ng sining; kung bakit nililindol ang lahat ng bansang pinupuntahan ng Azkals, at kung may balat ba sa pwet si Phil Younghusband; kung bakit nagsosolo ng elections ang ARMM; kung bakit baseball na ang nilalaro ng mga informal settlers dito sa amin; at lahat pa ng katanungan na pwedeng bumagabag sa ating isipan.
Nais ko ring gamitin ang blog na ito upang mangilatis, mangutya, magreklamo, magsabi ng opinyon at magbigay ng mga posibleng solusyon tungkol sa mga kung anu-anong nakakabwisit na mga bagay sa mundong ito. Sabihin niyo nang napaka-negative. Pero kasi naman, kung walang taong susuri sa mga nakakaasar na mga bagay na likha ng sangkatauhan, patuloy lang hahayaan ang mga ito at ipapasa sa susunod na mga henerasyon. At kung para sa inyo ay mali ang aking mga pananaw, hinihikayat ko kayong patunayan ang inyong punto. At kung makita kong tama kayo, then mas lalo nating mabibigyang tibay ang aking katangahan, which is basically the point of me being Kumag (naks! English-spokening!)
Samahan ninyo ako dito sa parte ng blog na ito kung saan “OUT” ang mga know-it-all at “IN” ang maging boploks. Ako muli si Kumag, at halina’t sama-sama nating ipagdiwang ang naiibang sayang dulot ng kamangmangan!
PS: Oo nga pala. Happy April Fool’s Day sa inyong lahat!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Lakipan ng dalawang (2) pakete ng Maggi Me! instant ispageti of any variant at limangdaang piso bago ipadala.