Linggo, Abril 24, 2011

To 'Li, or Not To 'Li, That Is the Kuwestiyon ni Kulafu

Summer ang isa sa pinakaabangang parte ng taon ng mga bata. Goodbye na sa mga araw ng paggising nang maaga at pag-“5 minutes pa hhngorkzzz” kapag sinimulan nang kalampagin ng nanay ang mga kaldero sa bahay. Goodbye na sa mga araw na maging mga batang ateista ay napapadasal na sana suspended ang klase kapag tag-ulan. Goodbye na sa mga araw ng pag-arteng pang-Best Supporting Actress in a Major Role (“sakit ng tiyan ko Ma,” habang hinihimas ang ulo) kapag mas trip lang mag-chillax sa bahay sa araw na ‘yon. Goodbye teacher. Goodbye homework. Goodbye exams.

Goodbye school!

Ngunit hindi lahat ng bata ay gaanong excited sa summer. Bukod sa mangilan-ngilang kailangang kumuha ng summer classes dahil nasobrahan sa paghakot ng Oscars (i.e., excessive absences) ay kapansin-pansin din ang pangamba sa mukha ng ilang nakababatang kalalakihan. Yung mga mukha nang damulag kapag kasama ang mga kalaro. Yung mga sinisimulan nang tigyawatin. Yung mga may anghit na pag-uwi mula sa kakatakbo maghapon.

Ladies and gentlemen, I present to you ang mga totoy na nakatakda nang tuliin.

(Teka, nang sabihin kong ‘totoy,’ ang tinutukoy ko e yung totoy na tawag sa mga batang lalaki a. Pero sabagay, may punto ka naman, mahal na mambabasa.)

***

Nakaugalian na sa Pilipinas ang pagtuli sa kalalakihan. Hindi magiging ganap ang iyong pagkalalaki kapag hindi ka natuli. O sa madaling sabi, habangbuhay kang tatawaging supot ng mga kakilala mo.

Hindi naman masyadong komplikado ang proseso ng pagtuli. Sa pagdating ng makabagong teknolohiya ay maari na itong isagawa ng doctor nang may anesthesia, laser, o light saber at kung anu-anong pang hi-tech na echebureche pero para sa mga mas hardcore, sa pinakabarako sa lahat ng barakong batang lalaki, andyan naman ang option na pukpok. Karaniwan sa mga probinsya, kailangan lang ng labaha na “ipupukpok” sa kuwan, nginuyang dahon ng bayabas na idudura sa sugat, saka ilog na mapagtatalunan at paglulubluban para hindi ka makita ng sangkatauhang nagmumukhang kabayong nanganganak dahil sa kakangawa mo sa sakit. Wala nang anesthe-anesthesia. Hardcore ka nga e.

Pero bakit nga ba nauso ang pagtuli? Sa bansang predominantly Catholic, paliwanag ng ilan ay relihiyoso ang dahilan. Sinabi raw sa Bibliya na kailangan tuliin ang mga lalaki. Health-related reasons naman ang sabi ng iba. Paniwala rin na hindi tatangkad ang lalaki kapag hindi natuli. At marami pang ibang paliwanag na hindi ko na lang ibabahagi sa takot na giyerahin tayo ng CBCP o MTRCB. At dyan naglalabasan ang mga ta…nong.

Ano nga ba ang lamang ng lalaking tuli sa di tuli pagdating sa kalinisan kung araw-araw namang sinasabon at hinuhugasan ng pareho ang kani-kaniyang maselang bahagi ng katawan? At bakit ang mga kalalakihan sa ibang kanluraning bansa tulad sa Europa kung saan hindi uso ang pagpapatuli ay di hamak na mas matangkad sa karaniwang Juan?

At kung tunay ngang kaganapan ng pagiging lalaki ang pagpapatuli, bakit nagiging sirena ang ilan sa mga umaahon mula sa ilog?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Lakipan ng dalawang (2) pakete ng Maggi Me! instant ispageti of any variant at limangdaang piso bago ipadala.