Lunes, Mayo 30, 2011

Kites, Kampihan, Kulafu

Nung isang araw nga pala nagpa... Uh, nag... Kwan, bale kasi, sinubukan naman namin pero...

Hmm.

Sasabihin ko sana "nung isang araw nagpalipad kami ni Kumag ng saranggola" kaso magsisinungaling na naman ako kung sinabi ko yun. Ang nangyari lang kasi e may saranggola kami ni Kumag tapos salitan lang kami sa paghagis nun sa pag-asang lilipad siya matapos tumakbo-takbo nang kaunti na parang hinahabol ng airborne na ipis. Pwede ko rin ipunto na wala rin kasi masyadong hangin nang mga panahong yun kaso hindi ko naman pwedeng idahilan na sinapian ng ispiritu ng manananggal yung mga saranggola ng iba pang tao sa paligid namin kaya nakakapagpalipad sila samantalang kami e hanggang tingin na lang.

Kaya hindi. Hindi kami nagpalipad ng saranggola.

---

Oo na, ako na ang hindi ganap ang pagkabata dahil hindi ko naranasan noon magpalipad ng saranggola. Hindi mo rin naman ako masisisi, wala kasing lugar na mapagsasanayan dito kung saan ako lumaki maliban na lang kung dun ako sa mga kawad ng kuryente nakabalanse habang nagpapalipad para hindi sumabit sa kung saan yung sinulid. Trumpo? Oo na, hindi rin ako marunong. Iniisip ko pa kung anong pwedeng palusot ko.

Pero kung ano naman ang pagkukulang ko sa mga laruan ay binawi ko sa mga laro. Di tulad ng mga batang puro videogames na lang ngayon ay naranasan ko namang maglaro ng patintero, tamaang-tao, agawang-base, agawang-panyo, ice water, maski soccer gamit ang pinitpit na lata ng softdrinks sa aking kamusmusan.

---

Ibang-iba na ang mga laro ngayon sa mga larong kinalakhan ko. Ngayon, isang pindot lang sa "START BUTTON" o kaya "CONTINUE/LOAD GAME" kung may saved file ka e makakapagsimula ka na agad sa laro mo. Noon, may mga ritwal pang magtatakda kung saang koponan ka sasali o kung sino magiging taya bago magsimula. Habang may mga mas simple tulad ng "Maibaaaaaaa...taya!" (kung sino ang naka-face down/up ang palad na kaiba sa mga kalaro ang taya; madalas may lutuang nagaganap) o kaya "Kampiiiiiihan!" (kung sinu-sino ang magkakapareho ng posisyon ng palad ang magkaka-team), may mga mas komplikado naman tulad ng "Ice water, ice water, if your shoes is dirty, please go home and change it!" (nakatayo kayo sa isang bilog at parang nagsasawsaw-suka sa paa niyo yung nagcha-chant, tapos aalisin ang paang hihintuan ng chant hanggang sa isa, yung sa taya, na lang ang maiwan; obviously, nasobrahan sa kakalaro ang nag-imbento dahil sablay ang subject-verb agreement ng chant)

Sa mga laro ngayon, kadalasan sa mga RPG tulad ng Final Fantasy o Suikoden series, ang mga tauhan ay nagle-level up at mas lumalakas, at pwede pa lalong lumakas kapag bibilhan mo sila ng armas, kalasag, at kung anu-ano pang equipment. Noon, ikaw mismo ang lumalakas. Bukod sa bonggang cardio na dala ng magdamagang pagtakbo e nade-develop hindi lang ang muscles sa binti kundi pati mga kalyo mo sa paa kaya kahit wala kang equipment (read: butas na ang black shoes) e keber na lang huwag ka lang mataya. Masusubukan din ang tibay ng iyong likod kapag naglaro kayo ng luksong-baka at mistulang baka sa timbang yung mismong biglang nag-vault sa 'yo.

May mga plot ding sinusundan ang mga videogames para ma-hook ka parang sa telenovela, kaso sa mga larong tulad ng Call of Duty na first-person shooters, mas yung thrill na magpatayan ang habol ng mga naglalaro. Hindi naman nahuhuli dyan ang mga laro noon. Watch as the drama unfolds din kapag nagkakapikunan na kayo kesyo wala naman sa usapang may patotot o around the world sa laro niyo ng patintero, o nakakaramdam na yung hikain niyong kaklase na pinagtutulungan siya para laging maging taya. Andyan na ang hidwaan sa magkakaibigan, ang ilang araw ng hindi pansinan, pero ilang araw lang din at sila-sila na naman ang makikita mong pawisan pagpila sa flag ceremony. Aba, at kung violence din lang ang habol e hitik din dyan ang mga tradisyunal na laro! Malilimutan mo ba naman ang chant sa larong langit-lupa? "Langit, lupa, impyerno. Im-im-impyerno. Saksak puso, tulo ang dugo. Patay, buhay, umalis ka na di-yan sa pwesto mo!" Matter of life and death 'to mga p're. At kesehodang may patalim ka sa dibdib, kapag sinabing alis, alis! Para ka lang ekskomunikado. O di ba ang tindi ng imagery? Minsan nga e literal pang may dumanak na dugo nang pumutok ang labi ng kaklase sa isang brutal na laro namin ng agawang-panyo. E kung di ka ba naman malasing sa adrenalin kung may mga ganyan nang nagaganap e ewan ko na lang.

Nakakalungkot lang isipin na bihira na lang yata ang mga batang marunong ng mga tradisyunal na larong ito. Kung tutuusin e mas maganda pa nga ang mga ito kaysa sa mga videogames ngayon dahil bukod nga sa uri na rin ito ng ehersisyo ay may aktwal na interaksyong nagaganap sa pagitan ng magkakaibigan. Pansinin mo na lang, karamihan sa kabataan ngayon e mukhang anak ng blue whale at malabo agad ang mata sa murang edad habang hindi sanay makisama sa iba dahil nasanay na nakatutok lang lagi sa harap ng screen. At mura pa! Walang gastos ang kailangan sa mga larong ito kung tutuusin, at maging ang requirements sa tumbang-preso na lata at tsinelas, halimbawa, ay madali lang naman hanapin sa suking dump site. Kumpara mo naman sa arcades na maya't maya ang lamon ng barya lalo na kung ang nilalaro mo e fighting game tulad ng Tekken at sa kasamaangpalad e bano ka, o kaya sa PSP na ni hindi mo nga magamit na pamato sa piko o tatsing pero halos ilang daang lata at tsinelas yata ang katumbas sa taas ng presyo (maliban na lang kung Havaianas ang tsinelas flip-flops na bibilhin). At kahit anong ganda pa ng video card o speaker mo e wala pa ring tatalo sa graphics at audio sa labas ng bahay: 3D at talaga namang high-definition ang buong paligid na balot ng liwanag ng papalubog na araw habang surround sound mong naririnig kayong magkakalaro na naghahalakhakan at ang minsanang alingawngaw na chismis mula sa kapitbahay.

Mahaba-haba na rin pala ang nasulat ko at dahil gusto ko nang matulog pero hindi ko pa alam paano ito tatapusin ay pupu—

[INSERT COIN(S) TO CONTINUE]

Sabado, Mayo 28, 2011

Ang Emoterang si Kulasa

Babala: Ang sumusunod ay bugso ng aking emosyon. Pagbigyan niyo na ko please.

Nitong mga nakaraang araw di ko makakaila na wala ako sa aking sarili. May kung anong mabigat na pakiramdam na nagdudulot sa akin ng kalungkutan -- na parang maraming bagay ang mali. Nagsimula ang lahat nung Miyerkules at tila kasabay ng pagdating ni Chedeng ay binagyo din ako ng kung anu-anong emosyon.

Signal I. Walang nangloloko kung walang nagpapaloko. 
Isang kasabihan na talaga namang hindi ko maalis sa aking isipan. At dahil sa kasabihan na yan, naisip kong walang taken for granted kung walang nagpapa-taken for granted. Marahil alam niyo na kung ano ang ineemote ng ate niyo. Ok na sana eh, tinulungan ko siya at nagthank you naman siya. Pero bakit di ko maalis sa isipan ko na alam niya ang nararamdaman ko at kaya siya sa akin humingi ng tulong ay dahil di ako makakatanggi. Palagi na lang kasing ganun. Ako naman si tanga, palaging pumapayag. Nagemotera lang ako nung sinubukan ko siyang kamustahin matapos kong gawin ung favor niya. At ayun, hindi na naman siya sumagot sa tanong ko. Tila magrereply lang siya kapag siya ang may kailangan. Badtrip. Nakakainis. Mula nung gabing yun, tuloy-tuloy na ang emote ko. "Ayoko na!"-- paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili kahit pa pauli-ulit din naman akong fail! Sana lang this time mapanindigan ko na.

Signal II. Friends come and go
Ayoko sanang maniwala sa quote na yan. Kung merong isang bagay akong ipagmamalaki, yun ay talagang pinapahalagahan ko ang aking mga kaibigan. Once na maging close ako sa isang tao, mabilis akong ma-attach. Pakiramdam ko talagang close friends na tayo. Lalo pa kapag may "grupo" na tayong kinakabilangan. Isang grupo na sana ay magtatagal ng habambuhay. Pero hindi pala ganun yun sa ibang tao. Kung minsan, napipilitan lang pala sila dahil sa ibang rason. Akala ko close na kami, yun pala ayaw lang niya mapalayo sa isang kaibigan niya kaya siya sumama sa grupo. Kaya naman, bigla-bigla na lang din siya aalis at mang-iiwan. Biglang hindi mamansin at kakalimutan na lang ang lahat. Ang saklap! Nakakalungkot pero ng dahil sa kanya, naisip kong may mga ilang bagay na hindi mo pwedeng ipilit. Dahil sa kanya, natatakot na akong ma-attach sa mga tao. Ayoko ng ganun, 'one day close friends tayo the next day kebs sayo'. Pero apparently, isang katotohanang walang equal kahit sa pagkakaibigan. Ayun.

Signal III. Saan ako patutungo?
In english, where do I go from here? Ako na ang kuma-career crisis. Mula pa nung isang buwan ay napapaisip na ako sa aking future. Oo, ako ay nag-aaral ngayon at nag-mamasters na pero maraming bagay ang hindi pa din malinaw sa akin. Hindi ko mahanap ang specific field na magiging buhay ko. Maraming tanong ang di ko masagot. Maraming posibilidad ang aking naiisip. Ika nga, I need divine intervention or enlightenment. Siguro nga dumadating ang lahat ng tao sa ganito. Yung tipong bigla ka na lang mapapaisip kung saan ka patutungo. Minsan naman alam mo ang patutunguhan pero di mo naman alam ang daan. At sa totoo lang, alam ko namang lahat ng kasagutan ay wala sa kasalakuyan. Pero masasabi kong ayos ding mag-reality check once in a while. At inaamin kong wala pa akong sagot sa aking sarili pero isang malaking hakbang ang pagkakaroon ng tanong sa buhay. Sana sa mga susunod na buwan ay matuklasan ko din ang nais ko.

Signal IV. Tira-tirang damdamin.
May mga pagkakataong sa dami ng emosyon, di maiiwasang kung anu-anong bagay ang dumadapo sa isip ko. Paminsan nasasabi nating napapagod na tayo. At ngayon, sinasabi kong napapagod na ako. Kung kaya't pinipikit ko ang aking mata at tinutulog na lang lahat ng sakit at emosyon na gusto kong kalimutan. Alam kong sa aking pagising ay wala namang nabago ngunit kahit papaano ay pakiramdam ko ay may bagong pagkakataon ako para bumangon at maging matatag sa lahat. At sa pagsulat ko nito, unti-unting gumagaan ang aking pakiramdam. Salamat.

Miyerkules, Mayo 25, 2011

Opinyon ni Kumag: Reproductive Health Bill (RH Bill)

Sinipi ang litrato mula sa pahinang ito

Sa lahat ng taon na dumaan ang naturang panukala sa lehislatibong sangay ng gobyerno, ngayong 2011 na marahil ang taon kung kailan talagang unti-unti nang hinihimay hindi lamang ng mga opisyal ng gobyerno kundi pati ng mga taong-bayan ang isyung ito tungkol sa populasyon. Kung kaya’t upang hindi humaba, hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Halina’t samahan ninyo akong isa-isahin ang ilan sa mga puntong natatalakay sa isyung panlipunang ito.

Una, MY KUMAGOODNESS NAMAN! Huwag nating gamitin ang Biblia sa isyung ito (lalo na sa Batasan, sa harap ng mahigit isangdaang katao sa Kongreso). Ang pananampalataya, siyensiya at lipunan ay may iba’t-ibang realm. Sa mga interuniversity debates, kadalasang hindi pinapayagan na gumamit ng anumang excerpts mula sa mga librong panrelihiyon dahil hindi dapat kinukuwestiyon ang pananalig o pinaniniwalaan ng mga tao. Wala kasing paraan upang ma-i-disprove ito. At kung gagamitin man ang Biblia, hindi ba’t napakaimbabaw at mapanlait naman nito sa mga Pilipinog Muslim, Buddhist at Taoist? Oo. Madami nga sa atin ay Kristyano ngunit gaano man kaliit o kalaki ang paggagamitan mo ng Biblia, magmimistualng mapanghusga o bias pa rin ito. Ngunit HINDI naman iyon ang pinakapunto. Sa ganang akin, sinabi nga ng Diyos na “Go forth (Hindi “Go out” Honourable Boxing Champ. Ginagamit lang yun kapag nawiwiwi o najejebs ka at nasa kalagitnaan pa ng pagtuturo ng sonnets ni Shakespeare at Milton si Mam Dimaculangan. At Mommy D, please lang, magfocus ka na lang sa pagba-ballroom mo o di kaya magpakahandusay ka sa dami ng iyong Louis Vitton at Chanel bags mo.) and multiply.” Ngunit pinuputol lamang doon ng mga mapagpanggap na relihoyosong kontrapelong supporters ng anti-RH Bill. Nalimutan nila o sadya nilang kinakalimutan ang katuloy na sinabi ng Diyos na “Go forth and multiply. Fill the earth and subdue it. Rule over everything that moves above the ground.” Kapag sinabing subdue, ibig sabihin control o govern. Sa Filipino, pamunuan... at maaari na nating idagdag, yamang tayo ay ginawang katiwala ng Diyos na... pangalagaan. Sa tingin niyo ba kapag hinahayaan nating mag-anak ng mag-anak ang karamihan sa atin ay nabibigyan ang lahat ng bata ng wastong pangangailangan? Hindi ba’t maraming bata ang nasa mga kalye’t ilalim ng tulay at nanlilimos? Hindi ba’t maraming bata ang nagtatrabaho sa murang edad? Hindi ba’t maraming bata ang kumakalam ang sikmura? Hindi ba’t maraming bata ang hindi nakakapag-aral? Hindi ba’t maraming bata ang inilalako ang kanilang mga katawan bilang panandaliang-aliw magkapera lamang? Hindi ba’t marami ang namamatay dahil hindi nalulunasan ang kanilang mga sakit? Nasaan ngayon ang sinasabi nilang pamunuan... at pangalagaan?

Ikalawa, napakakitid naman ng utak ng mga taong ang iniisip na kapag naipasa ang RH Bill ay ibig sabihin e hayaan na lang sina Totoy at Nene na pumunta sa barangay center kumuha ng condom at contraceptive pills tapos hayaan sila na maglatag ng karton ng pancit canton o sabong panlaba at magtalik dun sa may bodega o sa gitna ng talahiban. Sa totoo lang, ang masyadong binibigyan ng isyu ay yung ipapamudmod na condoms at contraceptive pills. HINDI TALAGA ako pabor sa condoms at contraceptive pills. Ngunit sa panahon na ito kung kalian kahit parang sirang plaka na ang simbahan kakasabi ng ABSTINENCE e wala naman talagang sumusunod e marahil oras na upang magpataw ng batas na tutulong upang maiwasan ang maagang pagbubuntis ng mga kireng kadalagahan at pagkalat ng AIDS sa mga girl, boy, bakla, tomboy, butiki, baboy, kabayo, at unggoy. Ang pinakalayunin ng RH Bill ay family planning. Naintindihan niyo ba? Uulitin ko: FAMILY PLANNING. Noong maliit pa ako at hindi pa tuli ay tinuruan ako at ng mga kaklase ko ng aming mga guro sa Values Education, at Home Economics and Livelihood Education ng tungkol sa sex. Kasunod nito, ipinakita nila kung paano ang maagang pagbubuntis o pagbubuntis sa labas ng kasal ay hindi nakakatulong sa lipunan at bagkus ay nagdudulot ng sunud-sunod na problema. Itinuro nila na dapat ang bawat pamilya ay maayos na pinaplano ang kani-kanilang buhay. Hindi sa pagmamalaki ngunit masasabi ko namang ako ay tumandang may alam at edukado sa sex at (kahit kakarampot man) sa pagbuo ng pamilya... dahil sa mga tinuro nila noong ako’y nasa murang edad pa lamang. Naniniwala akong ang SAPAT AT TAMANG edukasyon (na nakapaloob sa at talagang dapat focus ng RH BILL) ay nakakatulong upang hubugin ang mga kabataan sa wastong pagplano hindi lang ng kani-kanilang pamilya ngunit ng kani-kanilang mga kinabukasan.

Ikatlo, makitid din ang utak ng mga taong ang iniisip na kapag naaprubahan ang RH Bill ay hihilera na ang mga kireng kadalagahan sa harap ng clinic ng abortionistang si Dr. Mang A. Gahasa upang magpasungkit ng fetus na nabuo sa pagtatalik ng mga naturang malalanding kadalagahan kay Badong, Tolits at Junior na kasalukuyan ay nag-iinuman pa rin sa kanto dahil walang trabaho. Ang condoms at contraceptive pills na gagawing mas accessible ay tutulong upang maiwasan ito. NGUNIT babalik tayo sa family planning. Kung maisasaksak sa ulo ng mga kabataan ang kawalan ng kagandahang idudulot ng pakikipagtalik ng wala sa plano at maipapakita ang karumal-dumal nilang sasapitin at tatanungin natin sila kung gusto nga ba talaga nila na manatili o magkaroon ng hikahos na pamumuhay, ang mga abortionista ay mas lalong mawawalan ng puwang sa ating lipunan.

Ikaapat, mas hangal pa sa akin ang mga Pilipinong nag-iisip na kaya pa nating magsustain ng maraming Pilipino at hindi pa tayo umaabot sa populasyon na kagaya ng China at India. Aba’y hihintayin pa ba nating pumantay ang bilang ng ating populasyon sa dalawang bansang ito? Mga ungas ang sinumang nag-iisip niyan! Ang populasyon ng mundo sa kasalukuyan ay 6.8 billion. Ang China ay may 2 billion katao habang ang India ay may 1 billion katao. (Halos kalahati ng bilang ng tao sa mundo!) Ang Pilipinas sa pagkakaalam ko ay may 90 million. Isipin niyo nga, kay laki-laki ng land areas ng China at India! Wala pa sa kalingkingan ang land area ng Pilipinas at meron tayong 90 million na kataong dapat pagkasyahin sa ga-kulangot na laki nating bansa! Bukod doon, nakikita niyo ba sa TV na parang prinsipe at prinsesa kung mamuhay ang mga Chinese at Indian? Hindi ba’t hirap din sila sa pamumuhay? E bakit gusto pa ng mga kung sinumang pontio-pilatong gayahin natin sila? Pakakainin ba nila ang mga karagdagang Pilipino? Bibihisan? Pag-aaralin? Gagamutin kung may sakit? At mas tunggak pa sa akin ang nagsasabing may espasyo pa sa Pilipinas—sa mga bundok daw at malalayong isla. E kung sila kaya patirahin dun? At mas lalo pang hangal ang magsasabing palabasin ang iba ng bansa. Bakit teritoryo ba natin yung ibang lupain? Sobrang dami na ng mga Pilipino. Hindi lahat may matinong pamamahay. Hindi lahat may matinong trabaho. Paano niyo sasabihing ang solusyon ay pabahay at trabaho kung sa sobrang daming tao e wala nang makitang espasyo at bakanteng trabaho. Ang tunay na solusyon ay planuhing mabuti ang pagpaparami ng mga Pilipino.

Ikalima at marahil pagtatatapos ko na rin. Bakit nga ba nakakaangat ang mga bansang tulad ng Norway, Singapore at Japan? Sa tingin ko dahil gusto ng mga mamamayan doon na maging matiwasay ang kanilang pamumuhay. Alam nila na kapag hindi nila pinlanong mabuti ang bilang ng kanilang mga populasyon ay hindi nila maaasam ang kagaanan ng buhay. Alam nilang mas magiging hikahos sila kung magdadagdag sila ng katao sa kanilang bahay ng wala sa plano. Alam nila na kung ipipilit nilang magkaanak ng walang sapat na pinansya, hindi nila maipagkakaloob ang matinong pamumuhay sa mga anak nila. Gusto mo rin bang magkaroon ng matiwasay na pamumuhay? Gusto mo rin bang hindi mahirapang makahanap ng trabaho dahil kaunti lamang ang kakumpitensiya? Gusto mo rin bang magkaroon ng kotse at magmaneho sa mga lansangang hindi congested dahil kakaunti lamang ang sasakyan? Gusto mo rin bang makakain sa mga restaurant na kinakainan ng mga sikat na personalidad dahil malaki ang suweldo mo at hindi kailangang upuan ng matagal ang minimum salary sa Kongreso dahil may sapat na laman ang kaban ng yaman upang ipagkaloob sa mga mamamayan?

Hindi perpekto ang RH Bill. Sa totoo, ayaw ko yung konsepto ng mga condoms at contraceptives. Ngunit naniniwala ako na kapag mapasa ang RH Bill, hindi lang ito makakatulong sa isyu ng populasyon o pagkalat ng sakit o pagpapaalis sa mga abortion clinic; maiiwasan nito ang posibleng pagnanakaw upang makabili lamang si tatay ng gatas ni beybi, ang posibleng pagbebenta ng laman ni inay upang may pampaaral ang mga anak at marami pang iba. Kapag naipasa ang RH Bill naniniwa ako na mas magiging madali itong mamodipika upang bagayan ang pangangailangan ng mga mamamayan ng bansang ito na lugmok hindi lamang sa kahirapan ngunit sa iba’t-ibang aspeto ng buhay.

Kung hindi natin susubukan ang RH Bill, paano natin malalaman ang posibleng magandang kahihinatnan ng ating lipunan?

PS: Ang mga opinion na nakasulat sa itaas ay nanggaling lamang kay Kumag. Ang mga opinion nina Kerengkeng, Kulafu at Kulasa ay hindi nasasakop ng artikulong ito. Si Kumag ay binigyan ng kalayaang ipahayag ang kanyang saloobin sa Kabulastugan blog. Hindi niya nais awayin ang sinuman patungkol dito bagkus ay naghahangad lamang na maiparating ang kanyang pananaw. Bayaan po lamang na idirekta ninyo ang inyong mga komento at suhestiyon, kung mayroon man, kay Kumag.
Philippines: Overpopulation is a Myth Video mula sa YouTube

Miyerkules, Mayo 18, 2011

Kulafu's Konfession (Jologs Lang Dahil I Spelled 'Confession' With a 'K')

Bakit nga ba mahilig magpatawa si Kulafu?

Matagal ko ring pinagnilayan ‘yan mula nang mabati ng isang kaibigan. Hindi naman ako kalbo. Hindi naman ako kumikita ng pera sa pagpapatawa. At lalong hindi naman ako nakakatawa. Bakit nga ba? Bagamat sa puntong ito ay pwede na akong mag-ad-lib kung paanong tumawid ako ng pitong bundok upang humingi ng kasagutan sa isang ermitanyong nakatira sa tabi ng batis sa bukana ng isang yungib kung saan may niligtas akong dalagang iaalay sa halimaw na kalahating-dragon, kalahating-pot holder upang patunayang ako ay karapatdapat sa karunungan ay huwag na lang dahil bukod sa corny ay hindi naman talaga yun nangyari. Sa halip, dumating sa akin ang kasagutang walang katiyakan habang naggugupit ng kuko: nagpapatawa ako para magpasaya ng mga tao.

O teka lang. Bago niyo ako gawan ng rebulto at sabitan ng sampaguita e patapusin niyo muna ako. Hindi naman sa nagpapakadakila ako nang sabihin ko yun. Katunayan, sa sobrang kaiisip (matagal talaga ako maggupit ng kuko) ay aking napagtantong kaya ko gustong masaya lagi ang mga tao sa paligid ko ay dahil na rin sa kahinaan ko sa pagdala sa sarili sa harap ng mga stressful na sitwasyon, o yun bang mga pagkakataong kailangan magseryoso. Parang makasarili nga ang dahilan kung tutuusin dahil maaaring sabihing paraan ko yun para makaiwas sa mga pagkakataong nakaka-stress para sa akin. Hayaan niyong kuwentuhan ko kayo bilang paghahalimbawa.

Minsan may kausap akong kasama sa isang organisasyon. Dalawa lang kaming nagdidiskusyon sa mga gawaing kailangang tanganan nang bigla siyang nakatanggap ng tawag. “Patay na raw si lola,” ang sabi niya pagbalik sa akin habang humahagulgol. Naiintindihan ko siya, bilang ako mismo ay malapit din sa sariling lola bago ito namatay. At ako, bilang si Kulafu na hindi nga sanay sa ganitong scenario, ay biglang kinailangang pumili sa choices na una sa lahat ay hindi ko alam kung may correct answer ba:

  a) Dedmahin si friendship at hayaang mag-moment mag-isa,
  b) Subukan siyang i-comfort sa pamamagitan ng isang joke, o
  c) Yakapin siya.

Masyadong malupit naman kung pipiliin ko ang una. Pakiramdam ko mas makapal pa ako sa kalyo ng kanang paa ng evil stepmother ni Cinderella kung bigla ko na lang siyang talikuran sa oras na kailangan siyang damayan. Mukha naman akong insensitive kung gagawin ko ang pangalawa at biglang mag-knock-knock joke (“Knock, knock.” “Who’s there?” “Lola mo.” “Eskyusmi, nasa probinsya kaya ang lola ko.” “Namatay ako kaninang tanghali apo; multo na ‘ko.”), or worse, bumanat ng cheesy line (“Ako ba ang lola mo? Patay na patay kasi ako sa ‘yo e!”). Dahil bakit ka nga naman tatawa kung may nagluluksa? Yung pangatlo naman…

Yung pangatlo.

Ayun. Pakiramdam ko pinakaangkop gawin yung pangatlo sa lahat ng naisip ko pero sa puntong ito, na-gets niyo naman na sigurong socially-awkward ako kaya hindi ko rin magawang biglang mangyakap ng tao kahit yun ang gusto ko. Mapagkamalan pa akong manyak ano, mahirap na.

At dahil hindi ko na matandaan ano ang mga sumunod na pangyayari ay mabalik tayo sa kanina nating pinag-uusapan. Siguro ang gusto ko lang sabihin ay dahil nga mahina ako sa mga sitwasyong tulad ng sa kwento sa itaas, inuunahan ko na ang mga pangyayari. Nagpapatawa ako dahil gusto ko ang mga taong mahal ko na maging masaya habang may panahon pang tumawa, at dahil alam kong hindi ako magiging malaking tulong sa panahong biglang may kinaharap na silang krisis sa buhay. Magpakatotoo tayo, may mga problema nga namang hindi nareresolba at/o mahirap idaan sa tawa. Aba e kung pwede lang na dalawa tayong sasagot ng board exams mo o kaya’y susulutin ko ang karelasyon mo bago ko siya gaguhin para ako na lang ang break-in niya e ginawa ko na. Kaso hindi pwede e. At ito mismong pagpapamukha sa akin na kawalan ng kakayahan ang dahilan kung bakit matindi kung maapektuhan ako ng mga dinadalang pasakit ng mga taong mahal ko. Pero inuulit ko lang ang sarili ko.

Tila yata bukod sa pagpapatawa e problema ko na rin ang pagsusulat.

May nabasa ako kung saan dati na “people who act very happy are actually those who are very sad inside.” O parang ganun. English kasi kaya hindi ko natandaan.

Ayoko nang dumagdag pa sa mga inaalala ng mga mahal sa buhay kaya kung sino man nagsabi niyan, sana nagsisinungaling lang siya.

Lunes, Mayo 9, 2011

LSS ni Kumag: Born This Way

Habang nakaupo at nag-aayos kuno ng aking mga bitbit na groceries sa loob ng mall, bigla na lang tumugtog ang isang mabagal at tila madramang awitin. Sa aking panandaliang pakikinig, ang tanging naalala ko ay ang mga salitang,

“It’s not over… until you say goodbye.”

Hindi ko alam kung ang mga salitang iyan ay kabilang sa isang pangungusap o sa dalawa o sa tatlo. Hindi ko rin alam kung tama ang pagkakasunud-sunod ng mga salita. Ang tanging alam ko, iyang pitong salitang iyan lamang ang natira sa loob ng espasyo ng ulo ko. At sa isang iglap, bigla na lamang nahalungkat ang mga binaon kong alaala.

Tatlong tao na ang pumiling magpaalam sa akin. Hindi dahil natigok sila (huwag naman sana) ngunit dahil pinili nilang magpakalayo-layo. Dalawa sa kanila ay nakarelasyon ko. Lumisan sila ng hindi ko man lamang alam kung bakit. Kung kaya’t hanggang ngayon, kapag di-sinasadyang naaalala ko, lagi kong iniisip na marahil isa akong walang kwentang boyfriend. Siguro may nakakainis akong pag-uugali. Siguro hindi ko maibigay kaagad kung anuman ang gusto nila. Siguro. Siguro. Ngunit napagtanto kong mabuti na ring hindi ko malaman dahil pagod na akong magbalik-tanaw sa mga nakaraan. Okay na yung mga ganitong araw na paminsan-minsan, mala-Maalaala Mo Kaya ang drama ko. Para maiba naman. Bigla kong naisip ang blog entry ni Kulasa. Sino nga ba sa amin ang mas tanga? Siya na nagmamahal ng isang taong hindi naman sinusuklian ang kanyang pag-ibig? O ako na nagmahal na ng ilang beses ngunit parati nalang palpak? Sa totoo lang, hindi ko tiyak. Basta sa isip ko, dahil ako si Kumag, ako dapat ang mas tanga. Mas tunggak sa mga bagay-bagay. Mas hangal pati na sa aspeto ng pag-ibig. Pero more than that, ayoko lang ding mababa ang tingin ni Kulasa sa kanyang sarili. Napakatalino niyang babae. Kahanga-hanga mag-isip sa lahat ng bagay. Alam kong hindi pa siya tuluyang nag-fu-FULL FORCE sa pag-ibig o sa pakikipagrelasyon. Kung kaya’t sa tingin ko, mas may pag-asa siyang agad makahanap ng para sa kanya. Samantalang ako’y nakakadalawang palya na. Huwag kayong mag-alala. Hindi ako humahagilap ng simpatya. Mas kailangan yun ng mga namatayan. Ibigay niyo na lang yun sa kanila. Ang sa akin lang, sapat na ang magkaroon ng isang tanga sa grupo namin. At hindi si Kulasa iyon.

Ako ang taong pahahalagahan ko kung anuman ang pinagsamahan natin. Lagi kang mananatiling parte ng aking mundo. Ngunit kung pinili mong tuluyan nang iwanan ako...

“Don’t hide yourself in regret / Just love yourself and you’re set / I’m on the right track, baby / I was born this way.”

Sa isang kisapmata, agarang nalusaw lahat ng mga iniisip ko. Matagal na palang nagpalit ng track na pinapatugtog sa loob ng mall. Napaisip ulit ako. Kahit pala may pagka-gaga o pagka-tukmol yang si Lady Gaga o di kaya may pagkasapi ng anumang masamang espiritu ayon sa maraming Kristyano, paminsan-minsan may silbi din siya sa lipunan.