Linggo, Oktubre 2, 2011

Kulafu sa Kawalan (Dahil Hindi Na Niya Alam Kung Saan Siya Lulugar)


Inulan ako pag-uwi kahapon. Masaya ang naging pagtatapos ng linggo pero nakakapagod at ang nais ko na lamang ay makauwi agad at magpahinga, matulog. Kaya kahit patuloy sa pagbigat ang suot na damit sa bawat nasasalong patak ay nagpatuloy ako sa pagtahak ng daan patungo sa amin.

Inabutan ako ni Mommy sa tapat ng bahay, nakayuko sa lakas ng paghampas ng ulan sa aking ulo.

"O, ba't ka nagpaulan?"

Na para bang may iba pa akong pwedeng paglagyan sa pag-uwi mula sa pinanggalingan.

---

Maghapunan. Maligo. Matulog. Iyan ang mga huling alaala ko bago nakatulog sa kama ng mga magulang. Parang ilang oras na ang lumipas ngunit hindi ang sakit ng ulo at bigat ng katawan. At dahil hindi pa naman ako nakakarinig ng tawag na makisalo sa hapag-kainan ay nagpatuloy lang ako sa pagkakaratay. Tutal gigisingin naman ako ni Daddy pag-uwi niya galing trabaho. Pagod din siya panigurado at gugustihin ding magpahinga.

At ako'y nakatulog ulit.

Inabutan ko ang sariling nagising mula pa rin sa kanina pang kinalalagyan. Anong oras na ba? Lumabas ako para magbanyo. Pagdungaw sa sala ay nakita ko na lang si Daddy sa sofa habang si Mommy ay humihimbing sa isang air bed na nakalatag sa sahig. Napaisip tuloy ako kung ano ba hitsura ko pag-uwi para pagbigyan nilang payapang makapahinga sa kama nila habang sila'y nagtitiyaga dun sa sala. Napaisip din ako kung napaparamdam ko pa sa kanilang mahal na mahal ko rin sila.

---

Sabagay, sa tinuluyang bahay pa lang ng kaibigan ay makailang beses na rin akong natanong kung okay lang ba ako. Oo ang lagi kong sagot. Minsan binalikan ko yung tanong, bakit. Mukha raw kasi akong malungkot. Palibhasa hindi naman dinaan sa tanong kaya hindi ko rin kinailangan sumagot ng oo.

Dahil siguro nga. Oo.

Lunes, Setyembre 26, 2011

Pagmumuni-muni ni Kumag: Mahirap Maging Gwapo

Huwag ninyo nang kuwestyonin ang pamagat. Bad trip ako.

Anong gagawin mo kapag napakaraming tao ang nagsasabing IKAW ANG PARA SA KANILA? Yung tipong ang simpleng pakikipagkaibigan mo ay tila nagdudulot ng kung anumang kahibangan o maling impresyon sa kung sino mang tamaan ng napakaangas mong charms. Dapat bang baguhin mo ang sarili mo para sa kanila? Dapat bang maging suplado sa pakikitungo para lang mailayo mo sila sa pagkakatapilok sa iyong makamandag na kagwapuhan?

Alam niyo ba yung feeling ng susulatan ka pa ng pagkahaba-haba at magdedemand ng kung ano? Yung ikaw pa yung hindi maintindihan dahil feeling nila kayo na or malapit na? Ang feeling talaga! Alam niyo ba yung feeling na yun? Nakakainis lang. Kung pwede lang isungalngal sa pagmumukha nila ang malaki at naka-capitalized na HINDI TAYO TALO MGA ATE.

Shet! Napapamura ako sa blog entry na ito. Bwiset talaga.

At tapos sa kalagitnaan ng mga ito, darating yung ex mo. Oo. Matagal mo na siyang limot. At sa kalagitnaan ng kalunus-lunos mong estado e darating siya at ipapaliwanag niya sa iyo kung bakit ka niya hiniwalayan. Ang chaka lang talaga dahil unreasonable.

Ngunit subalit datapwat makakaramdam ka ng kirot. Oo. Hilom na ang puso mong sugatan pero ang mga mata niya, ang ngiti, at ang dimple na parang ang sarap kagatin--hindi pa rin limot ng pusong tila walang kapaguran na masaktan ng taong lubos mong minahal sa isang kabanata ng buhay mo. Oo. Napakadaling magpatawad. Ngunit ang ibalik ang tiwala na minsang ibinigay mo ng buong-buo at walang pag-aalinlangan ay mahirap buuin muli para sa isang tao inilaglag ito na tila isang babasaging plorera mula sa tuktok ng Eiffel Tower. At matatandaan mong hindi lang puso ang pinapagana sa pagmamahal, pati utak.

Para sa isang gwapong katulad mo, kailan matatagpuan ang tunay na pag-ibig?

Linggo, Setyembre 25, 2011

Announcement ni Kumag: Is in A Relationship

Huwag echosero. Hindi ako ang in a relationship.

Mahigit isang taon na akong Single. Pero masaya dahil nabigyan na ng kasagutan ang mga katanungan na matagal nang kumakabog sa mga dingding ng aking bumbunan.

Si Kulafu? Sa pagkakaalam ko, hindi rin siya in a relationship.

Pero ewan. Malay ko ba kung may tinatago siyang pag-ibig--pag-ibig na maaring matagpuan sa kalagitnaan ng isang blackout. Kung anuman ibig sabihin nun, hindi ko rin alam.Huwag mga intrigero't intrigera, mga kuya't mga ate.

Si Kulasa? Hindi ko siya mahagilap.

Maaaring may inspirasyon siya ngayon. Mapa sa itaas ng kabundukan, kasama ang mga ulap sa alapaap. Mapa sa kalagitnaan ng karagatan kasama ang mga tuna na malapit nang hulihin upang ilagay sa lata at maadvertise  nina Papa P at Dong.

Si Kerengkeng?





Ah, Si Kerengkeng... [What's on your mind?]
You and 100 Others like this.

Sabado, Setyembre 3, 2011

Kakornihan at Kawalan ng Pamagat ng Tula ni Kulafu

Dahil love mode si Kulasa at Kumag ay naisipan ko na ring sakyan ang trip nila.

Matagal na akong di nakakasulat kakahintay kay Kerengkeng na mag-update at muntik ko na ring makalimutan ang tungkol sa blog na ito dahil doon. Kaya para makabawi, isang tula.

---


I want you
to be happy.
Even if
it means being

another's.

---

O, bakit ba. Hindi naman bawal mag-English a.

Linggo, Hulyo 17, 2011

Tula ni Kumag: Hilom

Hindi na mahalaga 
Kung mayroon man
O wala kang isinukli
Sa aking nahihiyang ngiti,
Sapat na ang kita'y matitigan
At sa sarili ko'y mapatunayan
Na tuluyan nang naghilom
Ang puso kong iniwan mong sugatan

Lunes, Hunyo 13, 2011

Isang Dekada ni Kulasa

Isang dekada
Katumbas ng sampung taon.
Napakatagal kung iyong isipin
Ngunit ito ay lumilipas din

Parang kailan lang nung aking sabihin,
Isang dekada pa...
Ngayon,
Isang dekada na!

Mula sa F4 at ngayo'y GG
3210 at iPhone
PC at Laptop
CD player at iPod

Si Juday at Piolo noon
Sina Kimerald ngayon
Marami ng lumipas
Pati si Harry ay magwawakas

Ngunit sa kabila nito
Tila may di nababago
Isang dekada man ang nagdaan
Ng makita ka ay parang kahapon lang

Di ko inakala na kaya pa..
Kaya pa palang maghintay
Ng tunay na damdamin 
Isang dekada at higit pa!







Lunes, Mayo 30, 2011

Kites, Kampihan, Kulafu

Nung isang araw nga pala nagpa... Uh, nag... Kwan, bale kasi, sinubukan naman namin pero...

Hmm.

Sasabihin ko sana "nung isang araw nagpalipad kami ni Kumag ng saranggola" kaso magsisinungaling na naman ako kung sinabi ko yun. Ang nangyari lang kasi e may saranggola kami ni Kumag tapos salitan lang kami sa paghagis nun sa pag-asang lilipad siya matapos tumakbo-takbo nang kaunti na parang hinahabol ng airborne na ipis. Pwede ko rin ipunto na wala rin kasi masyadong hangin nang mga panahong yun kaso hindi ko naman pwedeng idahilan na sinapian ng ispiritu ng manananggal yung mga saranggola ng iba pang tao sa paligid namin kaya nakakapagpalipad sila samantalang kami e hanggang tingin na lang.

Kaya hindi. Hindi kami nagpalipad ng saranggola.

---

Oo na, ako na ang hindi ganap ang pagkabata dahil hindi ko naranasan noon magpalipad ng saranggola. Hindi mo rin naman ako masisisi, wala kasing lugar na mapagsasanayan dito kung saan ako lumaki maliban na lang kung dun ako sa mga kawad ng kuryente nakabalanse habang nagpapalipad para hindi sumabit sa kung saan yung sinulid. Trumpo? Oo na, hindi rin ako marunong. Iniisip ko pa kung anong pwedeng palusot ko.

Pero kung ano naman ang pagkukulang ko sa mga laruan ay binawi ko sa mga laro. Di tulad ng mga batang puro videogames na lang ngayon ay naranasan ko namang maglaro ng patintero, tamaang-tao, agawang-base, agawang-panyo, ice water, maski soccer gamit ang pinitpit na lata ng softdrinks sa aking kamusmusan.

---

Ibang-iba na ang mga laro ngayon sa mga larong kinalakhan ko. Ngayon, isang pindot lang sa "START BUTTON" o kaya "CONTINUE/LOAD GAME" kung may saved file ka e makakapagsimula ka na agad sa laro mo. Noon, may mga ritwal pang magtatakda kung saang koponan ka sasali o kung sino magiging taya bago magsimula. Habang may mga mas simple tulad ng "Maibaaaaaaa...taya!" (kung sino ang naka-face down/up ang palad na kaiba sa mga kalaro ang taya; madalas may lutuang nagaganap) o kaya "Kampiiiiiihan!" (kung sinu-sino ang magkakapareho ng posisyon ng palad ang magkaka-team), may mga mas komplikado naman tulad ng "Ice water, ice water, if your shoes is dirty, please go home and change it!" (nakatayo kayo sa isang bilog at parang nagsasawsaw-suka sa paa niyo yung nagcha-chant, tapos aalisin ang paang hihintuan ng chant hanggang sa isa, yung sa taya, na lang ang maiwan; obviously, nasobrahan sa kakalaro ang nag-imbento dahil sablay ang subject-verb agreement ng chant)

Sa mga laro ngayon, kadalasan sa mga RPG tulad ng Final Fantasy o Suikoden series, ang mga tauhan ay nagle-level up at mas lumalakas, at pwede pa lalong lumakas kapag bibilhan mo sila ng armas, kalasag, at kung anu-ano pang equipment. Noon, ikaw mismo ang lumalakas. Bukod sa bonggang cardio na dala ng magdamagang pagtakbo e nade-develop hindi lang ang muscles sa binti kundi pati mga kalyo mo sa paa kaya kahit wala kang equipment (read: butas na ang black shoes) e keber na lang huwag ka lang mataya. Masusubukan din ang tibay ng iyong likod kapag naglaro kayo ng luksong-baka at mistulang baka sa timbang yung mismong biglang nag-vault sa 'yo.

May mga plot ding sinusundan ang mga videogames para ma-hook ka parang sa telenovela, kaso sa mga larong tulad ng Call of Duty na first-person shooters, mas yung thrill na magpatayan ang habol ng mga naglalaro. Hindi naman nahuhuli dyan ang mga laro noon. Watch as the drama unfolds din kapag nagkakapikunan na kayo kesyo wala naman sa usapang may patotot o around the world sa laro niyo ng patintero, o nakakaramdam na yung hikain niyong kaklase na pinagtutulungan siya para laging maging taya. Andyan na ang hidwaan sa magkakaibigan, ang ilang araw ng hindi pansinan, pero ilang araw lang din at sila-sila na naman ang makikita mong pawisan pagpila sa flag ceremony. Aba, at kung violence din lang ang habol e hitik din dyan ang mga tradisyunal na laro! Malilimutan mo ba naman ang chant sa larong langit-lupa? "Langit, lupa, impyerno. Im-im-impyerno. Saksak puso, tulo ang dugo. Patay, buhay, umalis ka na di-yan sa pwesto mo!" Matter of life and death 'to mga p're. At kesehodang may patalim ka sa dibdib, kapag sinabing alis, alis! Para ka lang ekskomunikado. O di ba ang tindi ng imagery? Minsan nga e literal pang may dumanak na dugo nang pumutok ang labi ng kaklase sa isang brutal na laro namin ng agawang-panyo. E kung di ka ba naman malasing sa adrenalin kung may mga ganyan nang nagaganap e ewan ko na lang.

Nakakalungkot lang isipin na bihira na lang yata ang mga batang marunong ng mga tradisyunal na larong ito. Kung tutuusin e mas maganda pa nga ang mga ito kaysa sa mga videogames ngayon dahil bukod nga sa uri na rin ito ng ehersisyo ay may aktwal na interaksyong nagaganap sa pagitan ng magkakaibigan. Pansinin mo na lang, karamihan sa kabataan ngayon e mukhang anak ng blue whale at malabo agad ang mata sa murang edad habang hindi sanay makisama sa iba dahil nasanay na nakatutok lang lagi sa harap ng screen. At mura pa! Walang gastos ang kailangan sa mga larong ito kung tutuusin, at maging ang requirements sa tumbang-preso na lata at tsinelas, halimbawa, ay madali lang naman hanapin sa suking dump site. Kumpara mo naman sa arcades na maya't maya ang lamon ng barya lalo na kung ang nilalaro mo e fighting game tulad ng Tekken at sa kasamaangpalad e bano ka, o kaya sa PSP na ni hindi mo nga magamit na pamato sa piko o tatsing pero halos ilang daang lata at tsinelas yata ang katumbas sa taas ng presyo (maliban na lang kung Havaianas ang tsinelas flip-flops na bibilhin). At kahit anong ganda pa ng video card o speaker mo e wala pa ring tatalo sa graphics at audio sa labas ng bahay: 3D at talaga namang high-definition ang buong paligid na balot ng liwanag ng papalubog na araw habang surround sound mong naririnig kayong magkakalaro na naghahalakhakan at ang minsanang alingawngaw na chismis mula sa kapitbahay.

Mahaba-haba na rin pala ang nasulat ko at dahil gusto ko nang matulog pero hindi ko pa alam paano ito tatapusin ay pupu—

[INSERT COIN(S) TO CONTINUE]

Sabado, Mayo 28, 2011

Ang Emoterang si Kulasa

Babala: Ang sumusunod ay bugso ng aking emosyon. Pagbigyan niyo na ko please.

Nitong mga nakaraang araw di ko makakaila na wala ako sa aking sarili. May kung anong mabigat na pakiramdam na nagdudulot sa akin ng kalungkutan -- na parang maraming bagay ang mali. Nagsimula ang lahat nung Miyerkules at tila kasabay ng pagdating ni Chedeng ay binagyo din ako ng kung anu-anong emosyon.

Signal I. Walang nangloloko kung walang nagpapaloko. 
Isang kasabihan na talaga namang hindi ko maalis sa aking isipan. At dahil sa kasabihan na yan, naisip kong walang taken for granted kung walang nagpapa-taken for granted. Marahil alam niyo na kung ano ang ineemote ng ate niyo. Ok na sana eh, tinulungan ko siya at nagthank you naman siya. Pero bakit di ko maalis sa isipan ko na alam niya ang nararamdaman ko at kaya siya sa akin humingi ng tulong ay dahil di ako makakatanggi. Palagi na lang kasing ganun. Ako naman si tanga, palaging pumapayag. Nagemotera lang ako nung sinubukan ko siyang kamustahin matapos kong gawin ung favor niya. At ayun, hindi na naman siya sumagot sa tanong ko. Tila magrereply lang siya kapag siya ang may kailangan. Badtrip. Nakakainis. Mula nung gabing yun, tuloy-tuloy na ang emote ko. "Ayoko na!"-- paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili kahit pa pauli-ulit din naman akong fail! Sana lang this time mapanindigan ko na.

Signal II. Friends come and go
Ayoko sanang maniwala sa quote na yan. Kung merong isang bagay akong ipagmamalaki, yun ay talagang pinapahalagahan ko ang aking mga kaibigan. Once na maging close ako sa isang tao, mabilis akong ma-attach. Pakiramdam ko talagang close friends na tayo. Lalo pa kapag may "grupo" na tayong kinakabilangan. Isang grupo na sana ay magtatagal ng habambuhay. Pero hindi pala ganun yun sa ibang tao. Kung minsan, napipilitan lang pala sila dahil sa ibang rason. Akala ko close na kami, yun pala ayaw lang niya mapalayo sa isang kaibigan niya kaya siya sumama sa grupo. Kaya naman, bigla-bigla na lang din siya aalis at mang-iiwan. Biglang hindi mamansin at kakalimutan na lang ang lahat. Ang saklap! Nakakalungkot pero ng dahil sa kanya, naisip kong may mga ilang bagay na hindi mo pwedeng ipilit. Dahil sa kanya, natatakot na akong ma-attach sa mga tao. Ayoko ng ganun, 'one day close friends tayo the next day kebs sayo'. Pero apparently, isang katotohanang walang equal kahit sa pagkakaibigan. Ayun.

Signal III. Saan ako patutungo?
In english, where do I go from here? Ako na ang kuma-career crisis. Mula pa nung isang buwan ay napapaisip na ako sa aking future. Oo, ako ay nag-aaral ngayon at nag-mamasters na pero maraming bagay ang hindi pa din malinaw sa akin. Hindi ko mahanap ang specific field na magiging buhay ko. Maraming tanong ang di ko masagot. Maraming posibilidad ang aking naiisip. Ika nga, I need divine intervention or enlightenment. Siguro nga dumadating ang lahat ng tao sa ganito. Yung tipong bigla ka na lang mapapaisip kung saan ka patutungo. Minsan naman alam mo ang patutunguhan pero di mo naman alam ang daan. At sa totoo lang, alam ko namang lahat ng kasagutan ay wala sa kasalakuyan. Pero masasabi kong ayos ding mag-reality check once in a while. At inaamin kong wala pa akong sagot sa aking sarili pero isang malaking hakbang ang pagkakaroon ng tanong sa buhay. Sana sa mga susunod na buwan ay matuklasan ko din ang nais ko.

Signal IV. Tira-tirang damdamin.
May mga pagkakataong sa dami ng emosyon, di maiiwasang kung anu-anong bagay ang dumadapo sa isip ko. Paminsan nasasabi nating napapagod na tayo. At ngayon, sinasabi kong napapagod na ako. Kung kaya't pinipikit ko ang aking mata at tinutulog na lang lahat ng sakit at emosyon na gusto kong kalimutan. Alam kong sa aking pagising ay wala namang nabago ngunit kahit papaano ay pakiramdam ko ay may bagong pagkakataon ako para bumangon at maging matatag sa lahat. At sa pagsulat ko nito, unti-unting gumagaan ang aking pakiramdam. Salamat.

Miyerkules, Mayo 25, 2011

Opinyon ni Kumag: Reproductive Health Bill (RH Bill)

Sinipi ang litrato mula sa pahinang ito

Sa lahat ng taon na dumaan ang naturang panukala sa lehislatibong sangay ng gobyerno, ngayong 2011 na marahil ang taon kung kailan talagang unti-unti nang hinihimay hindi lamang ng mga opisyal ng gobyerno kundi pati ng mga taong-bayan ang isyung ito tungkol sa populasyon. Kung kaya’t upang hindi humaba, hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Halina’t samahan ninyo akong isa-isahin ang ilan sa mga puntong natatalakay sa isyung panlipunang ito.

Una, MY KUMAGOODNESS NAMAN! Huwag nating gamitin ang Biblia sa isyung ito (lalo na sa Batasan, sa harap ng mahigit isangdaang katao sa Kongreso). Ang pananampalataya, siyensiya at lipunan ay may iba’t-ibang realm. Sa mga interuniversity debates, kadalasang hindi pinapayagan na gumamit ng anumang excerpts mula sa mga librong panrelihiyon dahil hindi dapat kinukuwestiyon ang pananalig o pinaniniwalaan ng mga tao. Wala kasing paraan upang ma-i-disprove ito. At kung gagamitin man ang Biblia, hindi ba’t napakaimbabaw at mapanlait naman nito sa mga Pilipinog Muslim, Buddhist at Taoist? Oo. Madami nga sa atin ay Kristyano ngunit gaano man kaliit o kalaki ang paggagamitan mo ng Biblia, magmimistualng mapanghusga o bias pa rin ito. Ngunit HINDI naman iyon ang pinakapunto. Sa ganang akin, sinabi nga ng Diyos na “Go forth (Hindi “Go out” Honourable Boxing Champ. Ginagamit lang yun kapag nawiwiwi o najejebs ka at nasa kalagitnaan pa ng pagtuturo ng sonnets ni Shakespeare at Milton si Mam Dimaculangan. At Mommy D, please lang, magfocus ka na lang sa pagba-ballroom mo o di kaya magpakahandusay ka sa dami ng iyong Louis Vitton at Chanel bags mo.) and multiply.” Ngunit pinuputol lamang doon ng mga mapagpanggap na relihoyosong kontrapelong supporters ng anti-RH Bill. Nalimutan nila o sadya nilang kinakalimutan ang katuloy na sinabi ng Diyos na “Go forth and multiply. Fill the earth and subdue it. Rule over everything that moves above the ground.” Kapag sinabing subdue, ibig sabihin control o govern. Sa Filipino, pamunuan... at maaari na nating idagdag, yamang tayo ay ginawang katiwala ng Diyos na... pangalagaan. Sa tingin niyo ba kapag hinahayaan nating mag-anak ng mag-anak ang karamihan sa atin ay nabibigyan ang lahat ng bata ng wastong pangangailangan? Hindi ba’t maraming bata ang nasa mga kalye’t ilalim ng tulay at nanlilimos? Hindi ba’t maraming bata ang nagtatrabaho sa murang edad? Hindi ba’t maraming bata ang kumakalam ang sikmura? Hindi ba’t maraming bata ang hindi nakakapag-aral? Hindi ba’t maraming bata ang inilalako ang kanilang mga katawan bilang panandaliang-aliw magkapera lamang? Hindi ba’t marami ang namamatay dahil hindi nalulunasan ang kanilang mga sakit? Nasaan ngayon ang sinasabi nilang pamunuan... at pangalagaan?

Ikalawa, napakakitid naman ng utak ng mga taong ang iniisip na kapag naipasa ang RH Bill ay ibig sabihin e hayaan na lang sina Totoy at Nene na pumunta sa barangay center kumuha ng condom at contraceptive pills tapos hayaan sila na maglatag ng karton ng pancit canton o sabong panlaba at magtalik dun sa may bodega o sa gitna ng talahiban. Sa totoo lang, ang masyadong binibigyan ng isyu ay yung ipapamudmod na condoms at contraceptive pills. HINDI TALAGA ako pabor sa condoms at contraceptive pills. Ngunit sa panahon na ito kung kalian kahit parang sirang plaka na ang simbahan kakasabi ng ABSTINENCE e wala naman talagang sumusunod e marahil oras na upang magpataw ng batas na tutulong upang maiwasan ang maagang pagbubuntis ng mga kireng kadalagahan at pagkalat ng AIDS sa mga girl, boy, bakla, tomboy, butiki, baboy, kabayo, at unggoy. Ang pinakalayunin ng RH Bill ay family planning. Naintindihan niyo ba? Uulitin ko: FAMILY PLANNING. Noong maliit pa ako at hindi pa tuli ay tinuruan ako at ng mga kaklase ko ng aming mga guro sa Values Education, at Home Economics and Livelihood Education ng tungkol sa sex. Kasunod nito, ipinakita nila kung paano ang maagang pagbubuntis o pagbubuntis sa labas ng kasal ay hindi nakakatulong sa lipunan at bagkus ay nagdudulot ng sunud-sunod na problema. Itinuro nila na dapat ang bawat pamilya ay maayos na pinaplano ang kani-kanilang buhay. Hindi sa pagmamalaki ngunit masasabi ko namang ako ay tumandang may alam at edukado sa sex at (kahit kakarampot man) sa pagbuo ng pamilya... dahil sa mga tinuro nila noong ako’y nasa murang edad pa lamang. Naniniwala akong ang SAPAT AT TAMANG edukasyon (na nakapaloob sa at talagang dapat focus ng RH BILL) ay nakakatulong upang hubugin ang mga kabataan sa wastong pagplano hindi lang ng kani-kanilang pamilya ngunit ng kani-kanilang mga kinabukasan.

Ikatlo, makitid din ang utak ng mga taong ang iniisip na kapag naaprubahan ang RH Bill ay hihilera na ang mga kireng kadalagahan sa harap ng clinic ng abortionistang si Dr. Mang A. Gahasa upang magpasungkit ng fetus na nabuo sa pagtatalik ng mga naturang malalanding kadalagahan kay Badong, Tolits at Junior na kasalukuyan ay nag-iinuman pa rin sa kanto dahil walang trabaho. Ang condoms at contraceptive pills na gagawing mas accessible ay tutulong upang maiwasan ito. NGUNIT babalik tayo sa family planning. Kung maisasaksak sa ulo ng mga kabataan ang kawalan ng kagandahang idudulot ng pakikipagtalik ng wala sa plano at maipapakita ang karumal-dumal nilang sasapitin at tatanungin natin sila kung gusto nga ba talaga nila na manatili o magkaroon ng hikahos na pamumuhay, ang mga abortionista ay mas lalong mawawalan ng puwang sa ating lipunan.

Ikaapat, mas hangal pa sa akin ang mga Pilipinong nag-iisip na kaya pa nating magsustain ng maraming Pilipino at hindi pa tayo umaabot sa populasyon na kagaya ng China at India. Aba’y hihintayin pa ba nating pumantay ang bilang ng ating populasyon sa dalawang bansang ito? Mga ungas ang sinumang nag-iisip niyan! Ang populasyon ng mundo sa kasalukuyan ay 6.8 billion. Ang China ay may 2 billion katao habang ang India ay may 1 billion katao. (Halos kalahati ng bilang ng tao sa mundo!) Ang Pilipinas sa pagkakaalam ko ay may 90 million. Isipin niyo nga, kay laki-laki ng land areas ng China at India! Wala pa sa kalingkingan ang land area ng Pilipinas at meron tayong 90 million na kataong dapat pagkasyahin sa ga-kulangot na laki nating bansa! Bukod doon, nakikita niyo ba sa TV na parang prinsipe at prinsesa kung mamuhay ang mga Chinese at Indian? Hindi ba’t hirap din sila sa pamumuhay? E bakit gusto pa ng mga kung sinumang pontio-pilatong gayahin natin sila? Pakakainin ba nila ang mga karagdagang Pilipino? Bibihisan? Pag-aaralin? Gagamutin kung may sakit? At mas tunggak pa sa akin ang nagsasabing may espasyo pa sa Pilipinas—sa mga bundok daw at malalayong isla. E kung sila kaya patirahin dun? At mas lalo pang hangal ang magsasabing palabasin ang iba ng bansa. Bakit teritoryo ba natin yung ibang lupain? Sobrang dami na ng mga Pilipino. Hindi lahat may matinong pamamahay. Hindi lahat may matinong trabaho. Paano niyo sasabihing ang solusyon ay pabahay at trabaho kung sa sobrang daming tao e wala nang makitang espasyo at bakanteng trabaho. Ang tunay na solusyon ay planuhing mabuti ang pagpaparami ng mga Pilipino.

Ikalima at marahil pagtatatapos ko na rin. Bakit nga ba nakakaangat ang mga bansang tulad ng Norway, Singapore at Japan? Sa tingin ko dahil gusto ng mga mamamayan doon na maging matiwasay ang kanilang pamumuhay. Alam nila na kapag hindi nila pinlanong mabuti ang bilang ng kanilang mga populasyon ay hindi nila maaasam ang kagaanan ng buhay. Alam nilang mas magiging hikahos sila kung magdadagdag sila ng katao sa kanilang bahay ng wala sa plano. Alam nila na kung ipipilit nilang magkaanak ng walang sapat na pinansya, hindi nila maipagkakaloob ang matinong pamumuhay sa mga anak nila. Gusto mo rin bang magkaroon ng matiwasay na pamumuhay? Gusto mo rin bang hindi mahirapang makahanap ng trabaho dahil kaunti lamang ang kakumpitensiya? Gusto mo rin bang magkaroon ng kotse at magmaneho sa mga lansangang hindi congested dahil kakaunti lamang ang sasakyan? Gusto mo rin bang makakain sa mga restaurant na kinakainan ng mga sikat na personalidad dahil malaki ang suweldo mo at hindi kailangang upuan ng matagal ang minimum salary sa Kongreso dahil may sapat na laman ang kaban ng yaman upang ipagkaloob sa mga mamamayan?

Hindi perpekto ang RH Bill. Sa totoo, ayaw ko yung konsepto ng mga condoms at contraceptives. Ngunit naniniwala ako na kapag mapasa ang RH Bill, hindi lang ito makakatulong sa isyu ng populasyon o pagkalat ng sakit o pagpapaalis sa mga abortion clinic; maiiwasan nito ang posibleng pagnanakaw upang makabili lamang si tatay ng gatas ni beybi, ang posibleng pagbebenta ng laman ni inay upang may pampaaral ang mga anak at marami pang iba. Kapag naipasa ang RH Bill naniniwa ako na mas magiging madali itong mamodipika upang bagayan ang pangangailangan ng mga mamamayan ng bansang ito na lugmok hindi lamang sa kahirapan ngunit sa iba’t-ibang aspeto ng buhay.

Kung hindi natin susubukan ang RH Bill, paano natin malalaman ang posibleng magandang kahihinatnan ng ating lipunan?

PS: Ang mga opinion na nakasulat sa itaas ay nanggaling lamang kay Kumag. Ang mga opinion nina Kerengkeng, Kulafu at Kulasa ay hindi nasasakop ng artikulong ito. Si Kumag ay binigyan ng kalayaang ipahayag ang kanyang saloobin sa Kabulastugan blog. Hindi niya nais awayin ang sinuman patungkol dito bagkus ay naghahangad lamang na maiparating ang kanyang pananaw. Bayaan po lamang na idirekta ninyo ang inyong mga komento at suhestiyon, kung mayroon man, kay Kumag.
Philippines: Overpopulation is a Myth Video mula sa YouTube

Miyerkules, Mayo 18, 2011

Kulafu's Konfession (Jologs Lang Dahil I Spelled 'Confession' With a 'K')

Bakit nga ba mahilig magpatawa si Kulafu?

Matagal ko ring pinagnilayan ‘yan mula nang mabati ng isang kaibigan. Hindi naman ako kalbo. Hindi naman ako kumikita ng pera sa pagpapatawa. At lalong hindi naman ako nakakatawa. Bakit nga ba? Bagamat sa puntong ito ay pwede na akong mag-ad-lib kung paanong tumawid ako ng pitong bundok upang humingi ng kasagutan sa isang ermitanyong nakatira sa tabi ng batis sa bukana ng isang yungib kung saan may niligtas akong dalagang iaalay sa halimaw na kalahating-dragon, kalahating-pot holder upang patunayang ako ay karapatdapat sa karunungan ay huwag na lang dahil bukod sa corny ay hindi naman talaga yun nangyari. Sa halip, dumating sa akin ang kasagutang walang katiyakan habang naggugupit ng kuko: nagpapatawa ako para magpasaya ng mga tao.

O teka lang. Bago niyo ako gawan ng rebulto at sabitan ng sampaguita e patapusin niyo muna ako. Hindi naman sa nagpapakadakila ako nang sabihin ko yun. Katunayan, sa sobrang kaiisip (matagal talaga ako maggupit ng kuko) ay aking napagtantong kaya ko gustong masaya lagi ang mga tao sa paligid ko ay dahil na rin sa kahinaan ko sa pagdala sa sarili sa harap ng mga stressful na sitwasyon, o yun bang mga pagkakataong kailangan magseryoso. Parang makasarili nga ang dahilan kung tutuusin dahil maaaring sabihing paraan ko yun para makaiwas sa mga pagkakataong nakaka-stress para sa akin. Hayaan niyong kuwentuhan ko kayo bilang paghahalimbawa.

Minsan may kausap akong kasama sa isang organisasyon. Dalawa lang kaming nagdidiskusyon sa mga gawaing kailangang tanganan nang bigla siyang nakatanggap ng tawag. “Patay na raw si lola,” ang sabi niya pagbalik sa akin habang humahagulgol. Naiintindihan ko siya, bilang ako mismo ay malapit din sa sariling lola bago ito namatay. At ako, bilang si Kulafu na hindi nga sanay sa ganitong scenario, ay biglang kinailangang pumili sa choices na una sa lahat ay hindi ko alam kung may correct answer ba:

  a) Dedmahin si friendship at hayaang mag-moment mag-isa,
  b) Subukan siyang i-comfort sa pamamagitan ng isang joke, o
  c) Yakapin siya.

Masyadong malupit naman kung pipiliin ko ang una. Pakiramdam ko mas makapal pa ako sa kalyo ng kanang paa ng evil stepmother ni Cinderella kung bigla ko na lang siyang talikuran sa oras na kailangan siyang damayan. Mukha naman akong insensitive kung gagawin ko ang pangalawa at biglang mag-knock-knock joke (“Knock, knock.” “Who’s there?” “Lola mo.” “Eskyusmi, nasa probinsya kaya ang lola ko.” “Namatay ako kaninang tanghali apo; multo na ‘ko.”), or worse, bumanat ng cheesy line (“Ako ba ang lola mo? Patay na patay kasi ako sa ‘yo e!”). Dahil bakit ka nga naman tatawa kung may nagluluksa? Yung pangatlo naman…

Yung pangatlo.

Ayun. Pakiramdam ko pinakaangkop gawin yung pangatlo sa lahat ng naisip ko pero sa puntong ito, na-gets niyo naman na sigurong socially-awkward ako kaya hindi ko rin magawang biglang mangyakap ng tao kahit yun ang gusto ko. Mapagkamalan pa akong manyak ano, mahirap na.

At dahil hindi ko na matandaan ano ang mga sumunod na pangyayari ay mabalik tayo sa kanina nating pinag-uusapan. Siguro ang gusto ko lang sabihin ay dahil nga mahina ako sa mga sitwasyong tulad ng sa kwento sa itaas, inuunahan ko na ang mga pangyayari. Nagpapatawa ako dahil gusto ko ang mga taong mahal ko na maging masaya habang may panahon pang tumawa, at dahil alam kong hindi ako magiging malaking tulong sa panahong biglang may kinaharap na silang krisis sa buhay. Magpakatotoo tayo, may mga problema nga namang hindi nareresolba at/o mahirap idaan sa tawa. Aba e kung pwede lang na dalawa tayong sasagot ng board exams mo o kaya’y susulutin ko ang karelasyon mo bago ko siya gaguhin para ako na lang ang break-in niya e ginawa ko na. Kaso hindi pwede e. At ito mismong pagpapamukha sa akin na kawalan ng kakayahan ang dahilan kung bakit matindi kung maapektuhan ako ng mga dinadalang pasakit ng mga taong mahal ko. Pero inuulit ko lang ang sarili ko.

Tila yata bukod sa pagpapatawa e problema ko na rin ang pagsusulat.

May nabasa ako kung saan dati na “people who act very happy are actually those who are very sad inside.” O parang ganun. English kasi kaya hindi ko natandaan.

Ayoko nang dumagdag pa sa mga inaalala ng mga mahal sa buhay kaya kung sino man nagsabi niyan, sana nagsisinungaling lang siya.

Lunes, Mayo 9, 2011

LSS ni Kumag: Born This Way

Habang nakaupo at nag-aayos kuno ng aking mga bitbit na groceries sa loob ng mall, bigla na lang tumugtog ang isang mabagal at tila madramang awitin. Sa aking panandaliang pakikinig, ang tanging naalala ko ay ang mga salitang,

“It’s not over… until you say goodbye.”

Hindi ko alam kung ang mga salitang iyan ay kabilang sa isang pangungusap o sa dalawa o sa tatlo. Hindi ko rin alam kung tama ang pagkakasunud-sunod ng mga salita. Ang tanging alam ko, iyang pitong salitang iyan lamang ang natira sa loob ng espasyo ng ulo ko. At sa isang iglap, bigla na lamang nahalungkat ang mga binaon kong alaala.

Tatlong tao na ang pumiling magpaalam sa akin. Hindi dahil natigok sila (huwag naman sana) ngunit dahil pinili nilang magpakalayo-layo. Dalawa sa kanila ay nakarelasyon ko. Lumisan sila ng hindi ko man lamang alam kung bakit. Kung kaya’t hanggang ngayon, kapag di-sinasadyang naaalala ko, lagi kong iniisip na marahil isa akong walang kwentang boyfriend. Siguro may nakakainis akong pag-uugali. Siguro hindi ko maibigay kaagad kung anuman ang gusto nila. Siguro. Siguro. Ngunit napagtanto kong mabuti na ring hindi ko malaman dahil pagod na akong magbalik-tanaw sa mga nakaraan. Okay na yung mga ganitong araw na paminsan-minsan, mala-Maalaala Mo Kaya ang drama ko. Para maiba naman. Bigla kong naisip ang blog entry ni Kulasa. Sino nga ba sa amin ang mas tanga? Siya na nagmamahal ng isang taong hindi naman sinusuklian ang kanyang pag-ibig? O ako na nagmahal na ng ilang beses ngunit parati nalang palpak? Sa totoo lang, hindi ko tiyak. Basta sa isip ko, dahil ako si Kumag, ako dapat ang mas tanga. Mas tunggak sa mga bagay-bagay. Mas hangal pati na sa aspeto ng pag-ibig. Pero more than that, ayoko lang ding mababa ang tingin ni Kulasa sa kanyang sarili. Napakatalino niyang babae. Kahanga-hanga mag-isip sa lahat ng bagay. Alam kong hindi pa siya tuluyang nag-fu-FULL FORCE sa pag-ibig o sa pakikipagrelasyon. Kung kaya’t sa tingin ko, mas may pag-asa siyang agad makahanap ng para sa kanya. Samantalang ako’y nakakadalawang palya na. Huwag kayong mag-alala. Hindi ako humahagilap ng simpatya. Mas kailangan yun ng mga namatayan. Ibigay niyo na lang yun sa kanila. Ang sa akin lang, sapat na ang magkaroon ng isang tanga sa grupo namin. At hindi si Kulasa iyon.

Ako ang taong pahahalagahan ko kung anuman ang pinagsamahan natin. Lagi kang mananatiling parte ng aking mundo. Ngunit kung pinili mong tuluyan nang iwanan ako...

“Don’t hide yourself in regret / Just love yourself and you’re set / I’m on the right track, baby / I was born this way.”

Sa isang kisapmata, agarang nalusaw lahat ng mga iniisip ko. Matagal na palang nagpalit ng track na pinapatugtog sa loob ng mall. Napaisip ulit ako. Kahit pala may pagka-gaga o pagka-tukmol yang si Lady Gaga o di kaya may pagkasapi ng anumang masamang espiritu ayon sa maraming Kristyano, paminsan-minsan may silbi din siya sa lipunan.

Biyernes, Abril 29, 2011

Opinyon ni Kumag: The Royal Wedding


(Ang litratong sa itaas ay inarbor mula sa website na ito. Pasensya na ha? Wala kasi ako sa London. Hindi ko sila makuhanan gamit ang digicam ko. Kung gusto niyo bigyan niyo ako ng ticket papunta doon.)

Sa ilang oras ay ikakasal na ang isa sa mga pinakapinag-aagawang bachelors ng siglong ito—si Prince William ng Britanya. Ang kanyang soon-to-be wife ay si Kate Middleton na ang angking simpleng kagandahan ay pumuwesto bilang ikatlo sa pinakanakakabighaning mga prinsesa sa nagdaang mga taon. Pili lamang ang makakapasok sa simbahan ng Westminster Abbey upang makasaksi sa pag-iisang dibdib ng dalawang magsing-irog. Salang-sala ang binigyan ng mga imbitasyon upang firsthand na marinig ang pagsasabi nina Prince William at Kate ng makapangyarihang “I DO.” Ngunit subalit datapwat dahil sila ay mga public figures at dahil alam naman nating hindi papapigil ang napakakulit na mga miyembro ng media na kulang nalang siguro ay ipa-bulldozer ang simbahan upang maidukdok lang ang kanilang mga mikropono sa bibig ng dalawang lovebirds na mga ito upang marinig ang mga kung anumang sasabihin nila at upang mapataas ang rating ng viewership ng kani-kanilang network at i-claim na sila ang number one sa kani-kanilang mga bansa (whew! Ang haba nun ah?!), kailangan i-sensationalize ang kaganapang ito at i-involve ang buong sangkatauhan. At dito (oo, dito nga!) ako pumapasok—ang kumag na si Kumag ng buhay niyo.

Sa totoo lang, wala namang mangyayari sa akin na makabuluhan kung ikasal man o hindi si Prince William at Kate. Pero dahil kailangan ko lang talagang maibahagi ang aking mga nagbabagang saloobin sa sobrang ka-OA-an ng maraming mga Pinoy na sobrang excited malaman ang mga kaganapan sa naturang kasalan sa Britanya, I felt the need na magsulat ng isang napapanahong entry. At bihira akong mapasulat ng biglaan! Hindi ko lang kasi ma-take (as in ma-Take with a capital T) ang sobra-sobrang nag-uumapaw na pananabik (with sprinkles and cherries on top) ng maraming mga Pilipino na para bang sila yung ikakasal. Mas excited pa sila dun sa dalawa. Kaka-imbiyerna lang?!

Oras na maisuot na ni Kate ang singsing na ipagkakaloob ni Prince William, GAME OVER na. Goodbye to singlehood for the both of them. And for us, WALA. Kung iisipin niyo, WALA naman talaga tayong mapapala. Ang kasalan nina Prince William at Kate ay hindi naman tayo payayamanin, hindi naman tayo pasisikatin at lalong-lalo na hindi makakatanggal ng mga problema ng ating bansa, lipunan at ating mga kanya-kanyang buhay. Ang pinakapoint? Okay lang na maging updated sa mga isyung panlabas ngunit sana naman ay hindi na kailangang i-full KSP (as in kulangot sa pader) coverage ang pag-iisang dibdib ng mga taong wala man lang dugo ng lahing kayumangging nananalantay sa kanilang mga ugat. E kung gamitin na lang kaya ng mga networks ang rolyo ng film ng kanilang mga camera sa pagsisiwalat sa mga katiwalian sa gobyerno, paghahanap ng mga lungga ng mga drug pushers at users at human traffickers, at pagsolve sa mga krimen na hindi pa rin nabibigyang kasagutan sa matagal na matagal na panahon? Ang isang problema sa bansang ito? Oras na may bagong balita, natatabunan ang mga naunang isyu at nakakaligtaan na lamang. At pagkatapos ng ilang dekada, kapag may related scoop na nakuha, dun lang ulit huhukayin ang istoryang binaon na sa limot. Kapanahunan nina Juday at Gladys ng Mara Clara ng makulong si Hubert Webb. Noong lumabas si Hubert Webb, 20 taon na ang nakakalipas; nanganak na si Judy Ann, naging hurado na si Gladys sa Showtime at ang pinakamasaklap sa lahat, na-remake na ang Mara Clara. Pumasok at lumabas si Hubert Webb sa kulungan at may Mara Clara pa rin.

Pero lumalayo na tayo sa usapin.

Hindi ko alam kung paano niyo ida-digest ang mga pinagsasabi ko. Ang opinion ko lamang, huwag nating sayangin ang ating effort, pera at oras sa mga bagay na hindi dapat pina-prioritize. Marami sa inyo marahil ang may mga violent reactions. Naiintindihan ko. Bawat isa sa atin ay pinagkalooban ng kalayaang magbahagi ng saloobin. At ito ang aking parte. Ito ang aking kontribusyon.

Hindi ako manonood ng TV. Hindi ko susubaybayan ang kanilang kasalan. Ang dami kong dapat asikasuhin na mas mahalaga. My goodness naman ano? Kailangan magbayad ng mga bayarin. At hindi naman ako bibigyan ng pera nina Prince William at Kate para sa mga gastusin ko sa buhay ko, kaya paki-parating nalang itong aking mensahe sa dalawang haharap sa dambana sa Royal Wedding:

“Best Wishes Prince William and Kate.”

Huwebes, Abril 28, 2011

(I-STUPED) Love, soft as an easy chair... ni Kulasa

Matapos ang ilang linggong paglalakad sa ilog, ilang oras na pagbibilad sa araw, pahirap sa pagakyat ng bundok, pagbitbit ng mabibigat ng bato, pagising ng alas singko ng umaga, pakikinig kahit inaantok, pangangatog sa lamig sa umaga, pag-iigib ng tubig, at pagtratrabaho ng walang humpay, napagtanto ko na tanga nga ako sa pag-ibig.(Oha, naisip ko pa yun!)

Pero walang halong biro, ako na ang self-proclaimed tanga sa pag-ibig. Simula't sapul pa lamang naririnig ko na mula sa aking mga kaibigan ang mga kantsaw at biro patungkol dito. Dati rati ay pilit kong itinatanggi ang kanilang mga paratang. Pero ngayon, inaamin ko na.

Paano ko nasabi? Dahil ako na ang gagawin ang lahat lahat para sa isang taong espesyal sa akin. Parang financier, National bookstore, 911, gf, yaya, at nanay in one. Papautangin ka pag kelangan mo ng pera, bibigyan ka ng school supplies na kelangan mo, isang text mo lang at ready to help na ako, sasamahan ka sa lahat ng mall kahit nakakapagod, bibilan ng regalo pag ika'y nalulungkot, aalukin ka ng pagkain kahit kulang pa ito sa akin, gagamutin ang sugat mo, susuyurin ang kahit saang lupalop mabili lang ang pasalubong na gusto mo at mamahalin ka ng walang kundisyon. Kung iisipin, marami-rami rin sigurong tao ang guilty sa lahat ng aking nabanggit. Pero ang pinagkaiba ko sa kanila ay marahil sila ay in a relationship at happily double ngayon. At ako? Eto ginagawa ang lahat ng yan sa isang taong alam kong may napupusuan ng iba. Oo, narinig ng dalawa kong tenga ang pag-amin niyang gusto niya siya sabay ngiti ako sa kanya na tila kinikilig pa. Ako na naman si tanga na nangaasar pa. Yikee dito yikee doon na tila hindi iniinda ang sakit.

Pero bakit ko nga ba ginagawa ang lahat ng ito?

Simple lang. Dahil naniniwala akong dapat nagmamahal ang isang tao hindi lang dahil mahal ka din niya. Nagmamahal ako dahil iyon ang nararamdaman ko. Ang problema nga lang kasabay ng ganitong prinsipyo ay ang pagtanggap sa ideyang tanga ka nga sa pananaw ng iba. Sabi nga ni Kim Chiu, "Tanga na kung tanga, pero mahal kita!". Ang tanong, hanggang kelan ko kaya kakayanin ito? Gustuhin ko man magmahal lang ng magmahal, hindi ko makakaila na masakit pa ding malamang lahat ng pinaghihirapan mo ay nababalewala lang. Lahat ng nahuhulog bumabagsak din. Lahat ng nagpapakatanga napapagod din.

Sa puntong ito, napakaplastic kung sasabihin kong hindi na ako tanga. Dahil kahit pa iba ang gusto niya, ang nararamdaman ko para sa kanya ay hindi parang yelo na iniwan lang sa ilalim ng araw at wala ng bakas. Pero yinayakap ko ng buong puso ang ideyang kelangan ko ding umahon sa katangahang ito. Dahil alam kong dadating din ang araw na hindi na ako mapapagod. :)

Miyerkules, Abril 27, 2011

Tigyawat Talk ni Kulafu

Hindi ako yung tipong mahilig manalamin. Bukod kasi sa di ko masikmura ang kasuklam-suklam na pagmumukhang nakikita ko tuwing sumisilip sa mga salamin, isa yata ako sa piling tao ngayon na hindi banidoso (lusot na ako sa #3 sa listahan ni Kumag!). Lalo ngayong summer at bihira na akong lumabas dala na rin ng kawalan ng pera, lalong nabawasan ang oras ko sa harap ng salamin dahil keri lang naman magmukhang taong grasa kung sa bahay lang din naman ako buong araw. Kahit mapagdedesisyunan mo sigurong pintahan ang aking mukha habang natutulog, matatapos mo yung pininta ni Michelangelo sa kisame ng Sistine Chapel nang hindi ko nalalaman. Ganun katindi. Kaya ganun na lang ang gulat ko nang napadungaw ako sa isa kagabi at nakita ko na naman ang kasuklam-suklam na pagmumukhang sinasabi ko.

Na may tigyawat.

Hep! Hep! Hep! Bago umikot ang inyong eyeballs ay gusto ko lang linawin. Hindi na bago sa akin ang tigyawat. Kailanman ay hindi ko rin naman sinabing kakinisan ang aking kutis. Pero kasi mga ate, it’s not just one, not just two, but triplets ang mga walanghiya! Walastik! At hindi pa nakuntento dun, nakalinya pa sila sa bandang kaliwa ng aking mukha, parang connect-the-dots. Araw-araw naman akong naliligo at naghihilamos. Regular naman kung magpalit ako ng punda ng mga unan. Hindi naman ako lumulublob sa putikan sa maghapon. Kaya hindi ko talaga mawari bakit nag-anak ng tatlong malulusog at nagkikintabang tigyawat ang aking mukha. At dahil nga hindi ako palasalamin ay hindi ko rin alam kung kailan pa sila nandyan at lalong hindi ko alam kung sino ang “ama.”

OA ba? Hindi naman. Sabi ko nga, hindi naman ako banidoso at tambay lang ako sa bahay kaya di rin ako masyadong nababahala. Kung tutuusin, buti nga triplets lang sila at hindi naging octuplets. O kaya octopus. Imagine kung paggising mo isang araw tinubuan ka ng octopus sa mukha. O kaya siko. Nalipat yung kanang siko mo kung saan dapat yung ilong mo. Ang pangit. Marami pang ibang mas masaklap na posibleng nakita ko sa mukha nang manalamin kagabi, ngunit ang nakita ko lang ay tigyawat, kahit pa tatlo sila. Kaya kung tutuusin, masasabing nagpapasalamat pa rin ako at tigyawat lang ang nakita kong kakaiba sa salamin kagabi sa halip na pugita, o naligaw na parte ng katawan, o duguang babaeng magulo ang hanggang baywang na buhok at walang mata na nasa likuran mo na ngayon.

***

Alam mong inabot na ng init ang utak mo kapag wala ka nang ibang maisip na paksa bukod sa tigyawat. Buti pa si Kerengkeng, nakatira sa pridyider.

Linggo, Abril 24, 2011

To 'Li, or Not To 'Li, That Is the Kuwestiyon ni Kulafu

Summer ang isa sa pinakaabangang parte ng taon ng mga bata. Goodbye na sa mga araw ng paggising nang maaga at pag-“5 minutes pa hhngorkzzz” kapag sinimulan nang kalampagin ng nanay ang mga kaldero sa bahay. Goodbye na sa mga araw na maging mga batang ateista ay napapadasal na sana suspended ang klase kapag tag-ulan. Goodbye na sa mga araw ng pag-arteng pang-Best Supporting Actress in a Major Role (“sakit ng tiyan ko Ma,” habang hinihimas ang ulo) kapag mas trip lang mag-chillax sa bahay sa araw na ‘yon. Goodbye teacher. Goodbye homework. Goodbye exams.

Goodbye school!

Ngunit hindi lahat ng bata ay gaanong excited sa summer. Bukod sa mangilan-ngilang kailangang kumuha ng summer classes dahil nasobrahan sa paghakot ng Oscars (i.e., excessive absences) ay kapansin-pansin din ang pangamba sa mukha ng ilang nakababatang kalalakihan. Yung mga mukha nang damulag kapag kasama ang mga kalaro. Yung mga sinisimulan nang tigyawatin. Yung mga may anghit na pag-uwi mula sa kakatakbo maghapon.

Ladies and gentlemen, I present to you ang mga totoy na nakatakda nang tuliin.

(Teka, nang sabihin kong ‘totoy,’ ang tinutukoy ko e yung totoy na tawag sa mga batang lalaki a. Pero sabagay, may punto ka naman, mahal na mambabasa.)

***

Nakaugalian na sa Pilipinas ang pagtuli sa kalalakihan. Hindi magiging ganap ang iyong pagkalalaki kapag hindi ka natuli. O sa madaling sabi, habangbuhay kang tatawaging supot ng mga kakilala mo.

Hindi naman masyadong komplikado ang proseso ng pagtuli. Sa pagdating ng makabagong teknolohiya ay maari na itong isagawa ng doctor nang may anesthesia, laser, o light saber at kung anu-anong pang hi-tech na echebureche pero para sa mga mas hardcore, sa pinakabarako sa lahat ng barakong batang lalaki, andyan naman ang option na pukpok. Karaniwan sa mga probinsya, kailangan lang ng labaha na “ipupukpok” sa kuwan, nginuyang dahon ng bayabas na idudura sa sugat, saka ilog na mapagtatalunan at paglulubluban para hindi ka makita ng sangkatauhang nagmumukhang kabayong nanganganak dahil sa kakangawa mo sa sakit. Wala nang anesthe-anesthesia. Hardcore ka nga e.

Pero bakit nga ba nauso ang pagtuli? Sa bansang predominantly Catholic, paliwanag ng ilan ay relihiyoso ang dahilan. Sinabi raw sa Bibliya na kailangan tuliin ang mga lalaki. Health-related reasons naman ang sabi ng iba. Paniwala rin na hindi tatangkad ang lalaki kapag hindi natuli. At marami pang ibang paliwanag na hindi ko na lang ibabahagi sa takot na giyerahin tayo ng CBCP o MTRCB. At dyan naglalabasan ang mga ta…nong.

Ano nga ba ang lamang ng lalaking tuli sa di tuli pagdating sa kalinisan kung araw-araw namang sinasabon at hinuhugasan ng pareho ang kani-kaniyang maselang bahagi ng katawan? At bakit ang mga kalalakihan sa ibang kanluraning bansa tulad sa Europa kung saan hindi uso ang pagpapatuli ay di hamak na mas matangkad sa karaniwang Juan?

At kung tunay ngang kaganapan ng pagiging lalaki ang pagpapatuli, bakit nagiging sirena ang ilan sa mga umaahon mula sa ilog?

Biyernes, Abril 22, 2011

Listahan ni Kumag: Top 5 Pinakapaboritong Kasalanan ng mga Pinoy

In lieu of the Lenten season or for the sake na maging “IN” at napapanahon naman ang blog na ito dahil kulang nalang ay magkaroon ng agiw ang inyong mga computer screen upang ipahiwatig ang sobrang kasipagan naming apat nina Kerengkeng, Kulafu at Kulasa na mag-update o magsulat ng mga entries, naisipan kong gumawa ng isang survey.

Habang ako ay minsang naglilibag sa banyo, napag-isipan kong itanong sa kung sinumang mga pontio-pilatong makakasalubong ko sa araw na iyon ang ganire: “Ano nga ba ang top 5 na pinakapaboritong kasalanan ng mga Pinoy?” Nang kinagabihan, ang mga kasagutan nila ay aking tinally, pinili ang limang may pinakamataas na boto and *WAPAK* meron na akong instant listahan. Bago niyo basahin ang nakalista sa ibaba, pinapaalala ko sa inyo na ITO AY SURVEY. Anumang laman nito ay nanggaling sa ibang tao. Subukan niyo lang magalit sa akin at lulunurin ko kayo ng aking mga taba. Huwag kayo. Naging sumo-wrestler ako sa past life ko.

At habang nagpepenitensiya ang ilang tao at nagpapanggap na nagpepenitensiya ang karamihan, I now present the...

TOP 5 PINAKAPABORITONG KASALANAN NG MGA PINOY

 #5 – Stealing

Whether mga pipitsuging snatcher sa may Divisoria o mga dambuhalang butad na magnanakaw sa Kongreso, mukhang marami tayong bigas na kakainin kung talagang gusto nating matanggal ito sa top 5 na pinakapaboritong kasalanan ng mga Pinoy. Ewan ko ba kung bakit hindi makonsensiya ang mga hinayupak na ito pero tila hanggang ngayon ang mga parasitikong ito ay kulugo sa pwet na dapat nating mapuksa. Nakakainis lang na sa bawat araw ang mga masisipag na Pilipino ay nagbabanat ng buto habang ang mga ungas na ito ay dahan-dahang isinisilid ang kanilang mga kamay sa ating mga bulsa, bag at sa pangmalakihang scale ay kaban ng yaman. Gusto ko mang hilingin na maputol ang mga kamay nila e hindi naman ako pinalaking ganun. Kaya kayo na lang ang humiling para sa akin. Mukhang hindi ko na kailangang lubos ipaliwanag ang mga ito dahil alam nating laganap ang pagnanakaw sa Pilipinas. Ang tanong, hanggang kelan tayo papayag na maging ganito kasama ang ating imahe sa harap ng ibang nasyon. Oras na para puksain natin ang mga bagay na ito. Huwag tayong makisama sa kanila—magsumbong, magsuplong, magpakulong. May magagawa tayo. *Ehem* lalo na yung mga nandyan sa lehislatibong sangay ng gobyerno.

#4 – Homosexuality

Mukhang pagkabasa nito ay maglulunsad ng isang malawakang rebolusyon ang mga supporters ng Ladlad Party List. Sa totoo lang hindi ko alam kung ano ang kinonsidera ng mga tinanong ko, kung yung mismong pagiging gay o lesbian ba o yung mismong pakikipagtalik sa kapwa lalaki o babae. Ngunit subalit datapwat, kahit papaano ay masasabi nating magiging kakaiba ang ating lipunan kung wala sila hindi ba? Alam nating maraming comedians sa showbiz ay kabilang sa sinasabing third sex. Hindi nating makakaila na marami sa atin ay natatawa sa kanilang mga kakaibang banat o punch lines na daig pa ang suntok ni Manny Pacquiao sa pagpapasakit ng ating mga tiyan. Sa totoo lang napapansin kong lately ay exponential na nga ata ang pag-akyat ng bilang ng mga homosexuals sa mundo. At ngayon nga lang ay may mga babaeng nagsasabing nahihirapan na sila makahanap ng mga lalaki dahil kung hindi pangit ay hindi babae ang type ng mga ito. At ng tinanong ko ang isang bading tungkol dito, ang sagot niya ay, “Pasensiyahan tayo. Kabog ka[yo] sa beauty ko.” Ate, major major win ang iyong answer!

#3 – Vanity

Gusto ko mang burahin ito pero NO, kailangan ihampas sa makapal nating pagmumukha na huwag maging vain. Sa totoo, hindi naman talaga ako vain (defensive mode bigla). Mahilig lang talaga ako pumosing sa harap ng magic salamin. Mirror Mirror on the Wall, Who is the Pinakagwapo of Us All? Unfortunately, walang sumasagot. Ang tanging naririnig ko sa gabi ay mga kuliglig sa may talahiban malapit sa amin. Kung araw naman ay yung tahol ng mga aso. Mahilig din ako kumuha ng litrato pero for the sake of self-appreciation lang. Charing. Hindi naman—pang-profile pic kaya! Para lang mabilis ako marecognize ng mga amigo ko. Anyway, hindi naman talaga ito dapat mapapabilang dito. Pero dahil narinig nung barkada nung isang tinanungan ko yung sagot ng isang kaibigan na vanity, ayun sunud-sunod silang sumagot nito. So huwag niyo akong kagalitan. Alam nating gaya-gaya ang mga Pinoy. Anyway, sige na. Mali naman talaga kung puro sarili ang iniisip at itinataas. I surrender (white flag). Ayan na ha? Pero paalala lang. Kung puro nag-a-upload ka ng sanlibong mga litrato mo sa Facebook at walang nagco-comment ng “Wow. Gwapo” or “Wow. Ganda”, may ibig sabihin yun mga pare at mga mare. At hindi yun sa pagiging vain.

#2 – Pre-Marital Sex

Hindi ko alam kung dahil lang ba Global Warming at Cooling kung bakit nag-iinit ang mga kabataan ngayon. Kung mainit ang panahon, nag-iinit sila. Kung malamig naman, nag-iinit pa rin sila. Siguro ito nga ang indirect effect ng Climate Change na marahil ay hindi na-explore ni Al Gore sa Inconvenient Truth. Siguro nga sa panahon ngayon ay lubos na mulat na ang mga kabataan sa sex kung kaya’t hanggang ngayon si Magnifico ay di ko pa rin mapaniwalaang naunahan pa akong makabuntis. Pati simbahan ay hirap na hirap kontrolin ang bagay na ito kung kaya’t pati ang lumalalang krisis sa populasyon ng Pilipinas ay tila aabot na sa sukdulan. Sa tingin ko lahat tayo ay dapat sisihin kung bakit nagkakaganito ang bagong henerasyon. Dapat nating sisihin silang nasasakdal dahil hindi sila magtimpi. Dapat nating sisihin ang mga magulang sa maaaring pagiging maluwag o pagiging sobrang higpit; ang paaaralan sa hindi pagtuturo ng tamang edukasyon; ang gobyerno sa hindi pagpasa ng mga batas tungkol dito; ang simbahan na ang tanging sagot lang hanggang ngayon ay “abstinence”; at lalong-lalo na ang media na sa billboard pa lang ng tungkol sa broadband ay kulang na lang ay walang saplot ang modelong babae—ang mga kumpanya talaga, makabenta nga lang ng produkto.

#1 – Pornography

Salamat kay Dr. Hayden Kho at mas lalo nating napatunayan ang ka-L-an ng mga Pilipino. Saan ka ba naman makakakita ng bansang dinaig pa ang drama ng mga telenovela at bigatin na mga isyung pampulitika sa back and forth na sagutan nina Kho, Halili at Belo? Although bago pa man magkaroon ng sangkatutak na pagdownload ng mga kumalat na videos na pinanood (o pinapanood pa rin) sa mga opisina during break time or ni Junior habang “gumagawa ng assignment” sa computer na sa totoo’y nagfe-Facebook naman talaga, marami na rin ang mga Pinoy lalo na ang mga kalalakihan na bumibisita sa mga porno sites upang ma-arouse and technically-speaking, malaon ay maglabas ng kung anumang malagkit na likido sa katawan. Let’s try not to be goody-goody here. Yun naman talaga. Sabihin niyong nagsisinungaling ako! Anyway, mukhang magiging matagal bago mapalitan ang kasalanan na ito sa top spot dahil sa Baclaran, Quiapo at Recto pa lang ay laganap ang mga pirated DVDs, ng mga pelikula ng mga babaeng (at pati na ng mga lalaking) hubo’t-hubad at sumusubo ng mga alam niyo na, na mabibili ng 3 DVD’s for 100 pesos o pwedeng tawaran ng 4 for 100 kung kayo ay suki ni Manong na malamang ay una nang nakapagsalang nung mga DVD na iyon sa player niya at pinanood magdamag.

----------

Hay. At yan nga ang mga pinakapaboritong kasalanan ng mga Pinoy ayon sa aking listahan. Para sa mga magandang komento at love letter, lakipan ng halik at ilagay bilang komento sa entry na ito. Para sa mga reklamo, please lang huwag niyong ipadala sa akin.

PS: Salamat naman Kulafu at tumugon ka na. Iniisip ko pa naman kasing ipako kita sa krus bilang tugon sa aking banta. In fairness, gusto ko man lang e napapanahon ang  parusa ko sayo. At excuse me Kerengkeng! Ano yang pinagsasabi mong hindi dapat pinagmamalaki ang katangahan?! Nakalimutan mo atang ako si Kumag at yan ang prinsipyo ko sa buhay. Although hindi ko naman pinipilit na ako ang tama. LOLS.

Miyerkules, Abril 20, 2011

Kengkerengkengkeng (sound effects 'yan, parang yung sa komiks)

Isang buwan na ata akong pinagbantaan ng ibang K dito na magsulat dito sa blog na 'to, at talagang hindi sila tinatablan ng kahit anong palusot ko. Hindi ko naman sila masisisi dahil hindi nga naman patas na group effort ito tapos ako lang itong tatamad-tamad, kaya kung pangit at tingin mong karumal-dumal itong pinagsususulat ko e pasensiyahan na lang tayo at dahil medyo responsable naman ako ay ako na ang sasagot ng plastic bag na susukahan mo. Quits na tayo? Hindi? Pwes kainin mo na lang 'yang suka mo! Buwahahahaha!

Gusto ko lang sabihin na kaya hindi ako nakakapagsulat (bukod sa mga personal na ka-emohan) ay dahil nabobobo na talaga ako dito, pwera biro. Hindi 'to yung simpleng katamaran at writer's block lang, feeling ko talaga e nauubusan ako ng brain cells sa bawat araw na lumilipas. Sa kasamaang palad kasi, nakatira ako sa isang lugar na kung saan hindi illegal ang pagiging tanga at ignorante, at ang pagkilos ayon sa katangahan at pagiging ignorante nila.

Kunwari na lang, sa trabaho (nagtatrabaho kasi ako ngayon bilang isang waitress, ack!) -- ultimo salitang potato na nga lang e mali pa rin ang spelling! Potatoe daw. E kung hindi ka ba naman sadyang engot e. O isa pa -- at lagi akong napapa-facepalm kapag nakikita ko 'to -- ang salitang caesar ay nagiging ceasar, at dahil madali akong maapektuhan ng wrong spelling ay lagi 'kong binabalik yun sa tamang pagbaybay niya. Ang salitang Thai naman ay nanganak ng kambal - si Thia at Tai. Nagiging teryki o kung ano pa mang mutation ang salitang teriyaki at lasanga sa halip na lasagna. Marami pa 'kong ililista pero sumasakit na talaga ang ulo ko at ang masakit pa dito e nagma-manifest pa sa internet ang ganyang katangahan. Walang konsepto ng spellcheck at punctuation marks at walang humpay na pagmumura at mala-Paris Hilton na lingo ang makikita mo sa mga Facebook wall nila. Ewan ko sa inyo pero natutukso akong regaluhan ang sarili ko sa Pasko ng swiss army knife at teargas, pampataboy sa mga tanga. Ayokong madamay! (Hindi naman sa pinagmamayabang kong matalino ako, alam ko namang medyo tanga ako sa ibang bagay pero pinagmamalaki ko ba ang katangahan ko at pinipilit yun bilang tama?)

At hi, ako nga pala si Kerengkeng, ang malanding walang malandi! 始めまして. Seryoso ako kapag sinabi kong gusto ko nang lumayas.

Huwebes, Abril 7, 2011

Enter Kulafu

It is with a heavy heart that I take up the pen to write the words you are reading this very moment, stranger. Heavier, still, is the pen itself dahil exagg lang daw ang biglang pag-English sa bungad.

Ilang gabi na rin akong nakakatanggap ng banta sa aking buhay mula sa kumag na si Kumag dahil sa hindi pagsusulat sa blog na ito. Ano nga ba naman kasi ang aking maiaambag? E mula nang mamulat ako sa mundo at matutong mag-Facebook ay never in my tanang buhay pa, promise, as in never pa talaga, akong nagsulat ng kahit anong angkop sa isang humor/entertainment blog. Katunayan ay hindi ko mapigilang mabahiran ng drama ang mga akda sa bawat tangkang sumulat at luha ang tintang lumalagda sa bawat tulang aking nalilikha. Chos!

Ngunit masisisi niyo ba ako? Sa murang edad na labingwalo, maaga akong naulila at kinailangang ipadala sa evil stepsisters sa Bundok Tralala para magtanim ng kamote at doo’y maging living lampaso with built-in washing machine and baking oven nila. Nilakipan ng proof of purchase ng Knorr chicken cubes of any variant, sinobre, hinulog sa dropbox sa may suking tindahan, sabay nawala rin sa Customs. Tuluyan nang mag-isa sa buhay, napilitan akong kumayod para may makain at may pang Venti White Chocolate Mocha Frap: naging takatak boy; namasada ng dyip; naging manikurista, barista, masahista, La Sallista, ateista, komunista; naging si Batista; nag-artista hanggang sa nalaos at nauwi uli sa pagiging manikurista. Hindi na rin bago sa akin ang bumagsak sa finals, ma-late sa job interview, ma-two-time ng jowa, o ma-jebs sa MRT habang rush hour. Ako ang batang walang makain sa ilalim ng tulay. Ako ang sigaw sa Balintawak. Ako ang ninakaw na kaban ng bayan. Ako! AKOOOOOOOOO!

*hingal dahil nasobrahan sa OA*

Ngunit, subalit, datapwat, ako rin ay ang kupal mong kainuman sa unang gabi ng iyong breakup. Ako ang suspension of classes dahil may bagyo. Ako ang napulot mong isandaang piso (na tigba-barya). Sa kabila ng lahat ng kamalasang ‘to sa buhay, ako ang kasama at kakwentuhan mo sa pagtuklas ng mga dahilan para ngumiti at tumawa, ng mga munting bagay na patunay na ang buhay ay nananatiling masaya.

Ako si Kulafu, ang inyong vice-governor.

Ay teka, matagal pa pala eleksyon.

…Ahem.

Ako si Kulafu. ‘Lika, kwentuhan tayo.

Miyerkules, Abril 6, 2011

Hamon kay Kumag: Jejemon


Hamon: Sa isang upuan lamang, sumulat ng isang sanaysay na hindi bababa sa 100 salita tungkol sa mga Jejemon gamit ang kanilang paraan ng pagsulat. Isulat ang oras ng pagsisimula at pagtatapos ng pagsulat sa sanaysay. Pagkatapos, gamit ang karaniwang paraan ng pagsulat, ilahad ang naramdaman o magbigay ng mga komento tungkol sa ginawang hamon.

Tugon sa Hamon:

Simula: 6:41 am, 7 Abril 2011

@n9 M9@ j€JeM0n @¥ Pr0dUk+o N9 kUL+uR@n9 P0pUl@R. $iL@ aN9 +Um@N9gAp $@ h@M0n N@ hUm!W@|a¥ s@ +R@d!$YuNa| n@ PaM@mAr@An N9 p@G$u|a+. N!n@i$ N!|@n9 Ma6k@R0oN nG $@R!|iN9 @|pA8€T0 a+ N@i!8aN9 M3+oD0|oh!¥@ N9 k0MuN1K@$y0n. m@RaM1 @n9 Na!1n1$ s@ K@n!LaN9 iS+1l0 n9 P@9$u|@t. n6UN1+ k@h!T p@Pa@N0 a¥ N@1PaK!+@ n1|A $@ pAm@Ma6!+An n9 K@n1LaN6 p@k1K!Pa6+@|a$tA5@N n@ h!Nd1 L@h4+ N6 +@0 a¥ A|!p1n N9 n@Ka$An@¥aN. $1L@ a¥ |uM@8a5, n@6pAk!L@|a $@ L1pUn@N, a+ n@9pA|@g4n@p N9 k@N1LaN6 d0K+r1n@ $A i8@’+-1bAn6 p@N19 n6 MuNd0. L1n6iD $@ Ka@|Am@N n9 m@RaM1, @nG m6A j3J€m0N @Y h1nD! |@MaN6 m@+aT@6Pu4n $a P1|ip!N@$ a+ m6@ k@Ra+19 8@n5a $@ +1M06-$i|@nG@N6 A5¥a. M@¥r0oN d!n6 mG@ J3j€M0n $@ 4m3r1K@, aW$+r@|¥A @+ 3uR0p@. kUn6 K@¥a’+ m@5A$a8! N@+1n6 kAh1T p@Pa@n0 @¥ s1m80|o $!L@ n6 K@la¥@An 5@ pA6P@p4Ha¥A9.

Tapos: 7:27 am, 7 Abril 2011

Komento sa Hamon:

Pwede ba akong magmura???!!! F@#%$^&*!!! Sobrang hirap!!! Ang sakit sa ulo tsaka sa kamay dahil ang effort naman na mag-isip; gumamit ng mga numbers, characters or symbols; at higit sa lahat, mag-alternate ng capitalization para sa isang simpleng pangungusap!!! Hindi ko itatanggi na ayaw kong makipag-usap sa mga jejemon. Pero sa pamamagitan ng hamon na ito, pinupuri ko sila sa kanilang paninindigan sa isang pamumuhay na nasa labas ng nakasanayan. Out-of-the-box or Out-of-this-world. Alin man sa dalawa ang nararapat na taguri.

Hay naku! Bwisit talaga! Umagang-umaga sumasakit na ang ulo ko. Anyway, bilang pagtatapos ay mayroon akong pakiusap sa mga jejemon. “Kung makikipag-usap kayo sa mga kapwa jejemon, ok lang na gamitin ang inyong sariling istilo. Pero parang-awa niyo naman, kung ang mga kausap niyo ay hindi kabilang sa inyong lipi, please lang, gumamit kayo ng pangkaraniwang pamamaraan ng pakikipagtalastasan. Hindi kasi lahat ay kasinggaling ninyong umintindi at sumulat.”

Biyernes, Abril 1, 2011

Pagpapakilala ni Kumag: Pagdiriwang ng Kamangmangan

Walang Alam. Boploks. Bobo. Engot. Estupido. Hangal. Tanga. Tunggak. Ilan lamang yan sa mga kasingkahulugan ng Kumag, ang pangalan na napili kong itawag ninyo sa akin. Okay namang tawagin ninyo akong “Walang Alam.” Pero ang haba naman kayang bigkasin di ba? Kung bobo, engot, hangal, tanga o tunggak naman, baka ma-censor tayo ng kung anumang ahensya ang in-charge sa pagsuri ng mga websites. Ayaw ko namang ma-ban itong blog namin. Kung estupido naman, tunog Espanyol. Mas gusto ko siyempre na ang pangalang gagamitin ko ay Pinoy. At kung boploks naman, masyado namang out-of-place kung isasama sa pangalan nina Kulasa, Kulafu at Kerengkeng na nagsisimula sa titik K. Basically, jina-justify ko lang talaga yung Kumag kahit walang kakwenta-kwenta yung mga dahilan.

Pero kung malalim kong pag-iisipan kung bakit angkop sa akin ang pangalan na Kumag, ito malamang ay dahil ako ay isang tao na tanggap ang aking kawalang kaalaman. Sa mundong ito na puno ng matatalino at lalong-lalo na ng mga nagpapanggap na mga matatalino, at least may isang tao na pinagmamalaki ang kanyang kamangmangan. Kumbaga, i’m one-in-a-million. At dahil sa kahangalang ito, ako tuloy ay nagkaroon ng lubos na pananabik na tumuklas ng mga bagay-bagay.

Kung kaya’t sa pamamagitan ng blog na ito, samahan ninyo akong alamin ang mga bagay na may kinaugnayan sa kasaysayan o sa hinaharap; sa Agham o sa Relihiyon; sa pulitika o sa showbiz; sa musika o sa pelikula; sa sining o sa pampalakasan; sa heyograpiya o sa lipunan; sa mga kabataan o sa mga damatans; at sa pagkarami-rami pang bagay na hindi ko na maibilang sa listahan. Tuklasin natin ang lahat sa ating paligid pati kung bakit ganoon ang hairdo ni Aguinaldo; kung paano natanto na sa ika-21 ng Disyembre daw magugunaw ang mundo; kung bakit nakaka-alarma ang pagkalat ng mga radioactive materials sa Japan; kung bakit hindi pwedeng mag-asawa ang mga pari; kung bakit tinanggap ni Shalani ang hosting job sa Willing-Willie, at kung eventually ay mapipikot siya ni Willie; kung mas madami pa ang pinagsama-samang bilang ng mga anak nina Ramon Revilla (Sr.), Dolphy at Erap kaysa sa mga estudyanteng nag-aaral sa paaralan ng Ramon Magsaysay sa Cubao; kung ano ang cap size ni Rufa Mae Quinto; kung may asim pa nga ba si Madam Auring (teka, buhay pa ba siya?); kung reincarnation ba ni Aaron Carter si Justin Bieber; kung paanong ang pag-gaya sa frontal ni Coco Martin sa isang gay indie film ay maaaring gamitin bilang road to stardom; kung ang vandalism ba ay isang uri ng sining; kung bakit nililindol ang lahat ng bansang pinupuntahan ng Azkals, at kung may balat ba sa pwet si Phil Younghusband; kung bakit nagsosolo ng elections ang ARMM; kung bakit baseball na ang nilalaro ng mga informal settlers dito sa amin; at lahat pa ng katanungan na pwedeng bumagabag sa ating isipan.

Nais ko ring gamitin ang blog na ito upang mangilatis, mangutya, magreklamo, magsabi ng opinyon at magbigay ng mga posibleng solusyon tungkol sa mga kung anu-anong nakakabwisit na mga bagay sa mundong ito. Sabihin niyo nang napaka-negative. Pero kasi naman, kung walang taong susuri sa mga nakakaasar na mga bagay na likha ng sangkatauhan, patuloy lang hahayaan ang mga ito at ipapasa sa susunod na mga henerasyon. At kung para sa inyo ay mali ang aking mga pananaw, hinihikayat ko kayong patunayan ang inyong punto. At kung makita kong tama kayo, then mas lalo nating mabibigyang tibay ang aking katangahan, which is basically the point of me being Kumag (naks! English-spokening!)

Samahan ninyo ako dito sa parte ng blog na ito kung saan “OUT” ang mga know-it-all at “IN” ang maging boploks. Ako muli si Kumag, at halina’t sama-sama nating ipagdiwang ang naiibang sayang dulot ng kamangmangan!

PS: Oo nga pala. Happy April Fool’s Day sa inyong lahat!